Rafael Rosell tests negative for illegal drugs
Kasunod ng ilang artistang nagsapubliko na ng kani-kanilang mga drug test results, ibinahagi na rin ng Kapuso actor at “Sinungaling Mong Puso” star na si Rafael Rosell ang resulta ng boluntaryo niyang pagsailalim sa drug test.
Makikita sa resultang ibinahagi ng talent manager na si Popoy Caritativo na negatibo ang actor sa cocaine, ecstacy, metamphetamine, opium, at tetrahydrocannabinol o marijuana.
Isinagawa ang drug test sa Hi-Precision Diagnostics Plau clinic sa Makati.
“In our efforts to show support for the government's campaign against illegal drugs, Luminary Talent Management has taken the initiative to have our talents tested,” ayon kay Popoy.
Tulad ni Rafael, sumailalim na rin sa drug test ang ilan pang talents ng Luminary Talent Management, kabilang na ang Kapuso actor na si Dennis Trillo.
Nitong mga nakaraang linggo, ibinahagi na rin ng ilang Kapuso artists ang kani-kanilang drug test results, kabilang na sina Solenn Heussaff at Martin del Rosario.
“I have nothing to be afraid of. I know myself. So I just did it para they know... Lagi lang akong nasa bahay, nagpe-paint!" ayon kay Solenn sa naunang panayam. — Bianca Rose Dabu / AT, GMA News