‘Imagine You & Me’ international screenings, dinagsa ng AlDub Nation!
Tulad ng matinding suportang nakukuha nito sa Pilipinas, dinadagsa rin ng AlDub Nation ang screening ng pelikulang “Imagine You & Me,” ang kauna-unahang solo movie ng phenomenal Kalyeserye stars na sina Maine Mendoza at Alden Richards, sa iba't ibang bansa.
Kamakailan lamang, naging matagumpay ang premiere night ng nasabing pelikula sa Rome, Italy.
Nitong mga nakaraang araw din, pinilahan ang pelikula sa iba't ibang bahagi ng Amerika, New Zealand, at Milan sa Italy.
Bukod sa mga nabanggit na bansa, ipapalabas rin ang “Imagine You & Me” sa Canada, London, Australia, United Arab Emirates, Micronesia, Singapore, at marami pang iba.
Sa pagdiriwang nina Alden at Maine ng kanilang unang anibersaryo bilang loveteam ngayong Hulyo, nagpasalamat ang dalawa sa walang-sawang pagsuporta sa kanila ng kanilang mga tagahanga.
Ayon kay Alden, “Hindi ko in-expect. I mean, nakakatuwa na ito yung mga kasama natin dati from day one, buti na lang hindi pa rin kayo bumibitaw.”
“Maraming salamat kasi hindi kayo nawala. Maraming salamat po sa inyo dahil kumakapit pa rin po kayo sa amin ni Alden. Hindi niyo po alam kung gaano po kalaking bagay para sa amin na makita kayong lahat dito. At siyempre sa lahat ng nanonood po,” pahayag naman ni Maine. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News