Ikinuwento ni Regine Velasquez na dating nabanggit ng kaniyang anak na si Nate na nais nitong maging pinuno ng kaniyang sariling airlines paglaki. Pero ngayon ay may ibang nabanggit na raw ang bata.

"Tinanong ko siya the other time, sabi ko, kasi nga 'di ba he's into, you guys know that he's into airplanes, he wants to travel. Minsan tinanong ko siya, 'What do you want to be when you grow up?," kuwento ng Asia's Songbird sa press preview ng bago nilang fastfood endorsement nitong Huwebes.

 

 

"Nu'ng una, 'Mommy, I know...' Kasi lagi ko siyang kinukulit tapos hindi niya alam kung paano i-answer. So nag-answer na siya, 'I know what I want to be when I grow up. I want to be a CEO of Nate Airlines,'" pagpapatuloy ni Regine.

Ngunit nang huli raw tanungin ni Regine ang anak tungkol sa nais nitong maging paglaki, tugon umano ng bata— maging singer.

"After a few months, sabi niya, 'Ma, I changed my mind. Sabi ko 'Why?' 'I don't want to be a CEO of Nate Airlines.' Sabi ko, 'You don't want to be?' 'I still do but I want to be a singer first,'" saad pa ni Regine.

Sinabi rin daw ni Nate ang dahilan kung bakit.

"Sabi ko 'Why?' 'Because it's easy,'" natatawang kuwento ni Regine.

Gayunman, pinayuhan daw ng Asia's Songbird ang anak tungkol sa plano nito.

"So sabi ko, 'Sweetheart, it just looks easy kasi when mommy and daddy do it...' Siguro feeling niya it's easy, kakanta ka lang tapos babayaran. So I got to explain to him na, sabi ko, 'Sweetheart, whatever you do when you grow up, nothing is going to be easy. Everything that you will do, you have to work hard for," lahat niya.

Ginawa ring halimbawa ni Regine ang sarili, na napapagod din kahit tila madali sa kaniya ang kumanta sa harap ng maraming tao.

"Kasi hindi ganu'n, hindi porke't nakikita mo mommy is singing, but you see mommy, 'di ba mommy gets tired. And sometimes you don't even see me. So tumatango naman siya. Siguro kailangan lang ipaintindi na, wala naman talagang madaling trabaho," aniya.

Sa kabila ng pagod sa trabaho, nagpasalamat naman si Regine dahil ito talaga ang gusto niyang gawin.

"But I consider myself very blessed though because I love to sing, that's my passion. And I'm happy that this is also my work. Kasi 'yung iba hindi eh, 'yung iba parang nagkakaroon pa ng work and then meron pang ibang passion. Pero ako binless [bless] ako ni Lord na ito na 'yung passion ko, ito pa 'yung work ko," pahayag niya.

Ayon kay Asia's Songbird, ito ang kaniyang ipinapaintindi kay Nate. -- FRJ, GMA News