Nananatiling Kapuso ang beteranong radio broadcaster at "24 Oras" anchor Mike Enriquez sa kaniyang muling pagpirma ng kontrata sa GMA Network nitong Martes, Pebrero 13, 2018.
Present sa contract signing sina GMA Network Chairman and CEO Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto R. Duavit, Jr., Executive Vice President and CFO Felipe S. Yalong, at GMA News and Public Affairs SVP Marissa L. Flores.
Veteran broadcaster and "24 Oras" anchor Mike Enriquez remains a loyal Kapuso as he renews his ties with GMA Network today, Feb. 13. @gmanews pic.twitter.com/kMvX1HaTcn
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) February 13, 2018
Nasa Kapuso Network na mula pa noong 1995, excited pa rin si Mike sa mga bagong proyekto sa GMA, lalo na sa larangan ng pagbibigay ng "Serbisyong Totoo."
"Tuloy-tuloy lang ang trabaho, tuloy-tuloy lang ang pagbibigay ng 'Serbisyong Totoo,' at saka, lalo na sa panahon ngayon, marami pang mga pagbabagong magaganap sa GMA. Kaya exciting na nakapirma na naman tayo ng panibagong kontrata. Exciting harapin ang future dahil marami pang magaganap, marami pang mga proyektong dapat gawin."
Ayon pa kay Mike, nakabase ang serbisyong kaniyang ibinibigay sa mga tagapakinig at mga tagapanood.
"Pagtitiwala lang 'yan sa isa't-isa... nakabase ang pagtitiwala natin sa isa't-isang mga taga-GMA, na nakabase naman sa pagtitiwala sa atin ng mga Kapuso nating tagapanood tsaka tagapakinig. Ang lahat ng ito ay para sa kanila. Hindi ito para sa atin, hindi ito para sa GMA. Para ito sa mga nakikinig at nanonood."
"Alam mo si Mike, sa tingin ko, if I recall correctly, siya na ang pinakamatagal na naging TV newscaster dito [sa GMA]. Ang pinakaimportante sa lahat, ang integrity at fairness ni Mike whether on-cam or off-cam, eh unquestionable. Kaya tayo'y masayang-masaya na nag-renew na naman si Mike sa atin," sabi ni Atty. Gozon.
Mapapanood sa mga programang "24 Oras", "Imbestigador", at mapapakinggan sa "Saksi sa Dobol B" at "Dobol B sa News TV", si Mike ang Radio GMA President at ang natatanging Pilipino na nakatanggap ng Best Newscaster Award sa Asian Television Awards noong 1999. — LA, GMA News