Bago tuluyang magsara ang taong 2017, balikan at magbigay ng respeto at panalangin para sa mga celebrity hindi na natin makakasamang salubungin at harapin ang 2018.
Sa pagpasok ng 2017, naging malungkot ang balita sa showbiz nang pumanaw ang dating aktres at film producer na si Donna Villa, asawa ng manunulat at direktor na si Carlo J. Caparas.
Pumanaw si Donna sa edad na 57 dahil sa karamdaman.
Noong Pebrero 10, pumanaw naman ang sikat na fashion designer na si Pepsi Herrera sa edad na 56 dahil sa cardiac arrest.
Inatake naman sa puso ang veteran manager ng ilang artista na si Cornella "Tita Angge" Lee noong Marso 2.
Sa Amerika sumakabilang buhay dahil sa karamdaman ang dating aktor na si Romeo Vasquez, ama ng namayapa na ring aktres na si Liezl Martinez.
Sinundan ito ni Gil Portes, isang multi-awarded film director, na namatay noong Mayo 24 sa edad na 71. Ilan sa mga tanyag niyang obra ang "Saranggola," "Mga Munting Tinig," at "Ang Hapis."
READ: Showbiz industry, nagluluksa sa pagpanaw ni Direk Gil Portes
Edad 65 nang pumanaw ang batikang direktor na si Soxie Topacio noong Hulyo 21, dahil sa lung cancer. Naging bahagi rin siya ng GMA serye na "Impostora" at "Dear Uge."
Noong Agosto 1, namaalam din ang kilalang talent manager at columnist na si Alfie Lorenzo matapos atakihin sa puso. Ilan sa kaniyang mga hinawakan ay sina Judy Ann Santos at Sunshine Cruz.
READ: Juday, maayos umanong nakapagpaalam sa dating manager na si Alfie Lorenzo
Dahil sa kidney failure, sumakabilang-buhay ang batikang aktres na si Zeny Zabala nitong Agosto 8, 2017 sa edad na 80. Kilala siya bilang kontrabida sa mga pelikula ng Sampaguita Pictures noong 1950s.
Agosto rin nang bawian ng buhay sa sakit na liver cancer ang news anchor Amelyn Veloso sa murang edad na 43.
READ: News anchor Amelyn Veloso dies of cancer at 43
Ang dating miyembro ng Movie Television Review and Classification Board at kilalang film critic at showbiz columnist na si Mario Hernando, pumanaw noong Setyembre 5.
Setyembre 30 nang bawian ng buhay ang isa sa mga haligi ng Philippine radio na si Joe Taruc, 70-anyos.
Oktubre 12 nang yumao ang direktor na si Maning Borlaza sa edad 81 dahil sa atake sa puso. Kilala siya bilang direktor ng mga pelikulang pinagbidahan ni Star For All Seasons Vilma Santos na "Darna and the Giants," "Lipad, Darna, Lipad" at "Dyesebel."
Sakit na colon cancer ang ikinamatay ng beteranong aktor na si Chinggoy Alonzo nitong Oktubre 15. Napanood siya bilang Evades sa "Encantadia" noong 2006 at "Hahamakin ang Lahat" nitong 2016.
Kumplikasyon naman sa puso ang ikinamatay ni Vincent Daffalong o Vincent de Castro sa tunay na buhay, nitong Oktubre 19. Kilala siya bilang "First rapper of the Philippines" at isa sa mga 80s novelty singer.
Kasunod niyang namaalam noong Oktubre 22, ang action star na si Baldo Marro sa edad 69. Naging bahagi siya ng hit afternoon series na "Ika-6 na Utos" kung saan isa siyang stunt director.
Matapos ma-comatose dahil sa brain aneurysm, pumanaw ang aktres na si Isabel Granada nitong Nobyembre 4 sa Doha, Qatar. Nasa isang event siya noon kasama ang asawang si Arnel Cowley nang bigla siyang mag-collapse.
Isang dating "That's Entertainment" star, lumabas siya sa mga pelikulang "Magic to Love" (1989), "Lessons in Love" (1990) at Itawag Mo sa Akin (1997). -- FRJ, GMA News