Baeby Baste, nagpa-block screening ng 'Meant To Beh' para sa mga bata
Naging masaya ang Pasko ng mga bata na inaalagaan ng isang foundation dahil isang block screening ng Metro Manila Film Festival entry na "Meant To Beh" ang natanggap nilang regalo mula kay Baeby Baste at ng kaniyang fans club.
Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing ikinaaliw pa ng mga bata ng Giving Hope Foundation ang pagkamay ni Baeby Baste sa kanila.
Pati ang mga lolo at lola na fans ni Baeby Baste mula sa General Santos City ay mayroon ding sariling pa-block screening.
"Thank you fans kasi nanood kayo ng 'Meant To Beh.' Puwede pang-lolo, puwede pang-bata, puwede pang-lolas," sabi ni Baeby Baste.
Tungkol sa mga pinagdadaanan ng isang pamilya, sigurado raw na makaka-relate ang mga bata at mga young-at-heart sa "Meant To Beh."
Unang beses ni Baste na napasali sa MMFF kaya excited siya sa awarding rites nito.
"Sana po successful 'yung MMFF. Manood po kayo ng 'Meant To Beh,' December 25, now showing!" sabi pa ni Baste.
Ayon kay Noel Ferrer, MMFF Execom member at spokesperson, tagumpay daw na nahigitan ng unang araw ng festival ang first-day box office gross nito noong 2015.
Natutuwa rin ang MMFF na muling lumakas ang pagtangkilik ng mga manonood sa mga pelikulang Pinoy.
"We are very happy to say that a large part of the Filipino audiences have gone back to the theatre again this Christmas," ayon pa kay Ferrer.
Nagdesisyon ang MMFF na hindi muna ilabas ang total sales ng opening day nito para sa patuloy na pagsuporta ng mga manonood.
"The MMFF execom, along with the producers of the festival entries plus the theatre representatives have agreed not to release any actual figures and rankings so as not to create a bandwagon effect on viewers," sabi pa ni Ferrer. — LA, GMA News