Lalo pa raw tumaas ang respeto ni Alden Richards sa mga sundalo matapos niyang gampanan ang role ng isang sundalo na napalaban sa Marawi para sa episode ng "Magpakailanman," na mapapanood sa Sabado, November 25.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing bago ang pagpapalabas ng naturang episode, pinaunlakan ni Alden ang imbitasyon ng Association of Women Legislators para sa kanilang pamaskong handog for a cause na idinadaos sa Batasan complex.
Ang kikitain sa bazaar ay 100 percent na ibibigay sa pamilya ng mga sundalong nagbuwis ng buhay sa giyera sa Marawi.
"Sabi ko nga po very timely kasi sa Saturday po, eere na po 'yung episode na ginawa ko po for 'Magpakailanman.' 'Yung case study po namin is a Marawi soldier," sabi ni Alden, na kasama si Pops Fernandez bilang panauhin sa naturang proyekto.
Kuwento pa ni Alden, hindi naging madali ang paggawa nila ng episode na pinamagatang "Marawi Sa Mata ng Isang Sundalo," kung saan kasama rin niya sina Roi Vinzon, Susan Africa, Phytos Ramirez at Ervic Vijandre.
"After doing that, sobrang tumaas po lalo 'yung respeto ko para sa mga kababayan nating sundalo. Talagang hindi madali 'yung trabaho nila," anang aktor.
Umaasa siyang makikita at mabibigyang-halaga ang mga ginagawa ng mga sundalo para sa bayan.
Nagpasalamat din si Alden sa mga sundalo na nakasama niya sa taping na nagturo sa kanila ng mga alituntunin ng mga sundalo pagdating sa pakikipaglaban. -- FRJ, GMA News