Sa isang episode ng "Tonight with Arnold Clavio," nagbistuhan ang magkapatid na Jak Roberto at Sanya Lopez sa segment na "Sino?" Dito ay ibinahagi rin ni Jak ang ginawa niyang "raket" noon sa sementeryo na pagpipinta ng mga lapida para kumita at makatulong sa kanilang ina.

Napag-alaman na nagtapos ng kursong Hotel Restaurant Management
si Jak, at mahilig silang magluto ng kaniyang kapatid.

Adobo umano ang paboritong iluto ni Jak, habang sinampalukang manok naman ang paboritong lutuin ni Sanya.

Ibinisto naman ni Sanya na madalas mapagalitan noon ng kanilang ina si Jak. At hirit naman ng aktor, si Sanya ang iyakin, sumbongera, at ayaw magpatalo.

Nagturuan naman ang magkapatid kung sino sa kanila ang tamad maligo noong bata pa.

At dahil wala na silang ama, inamin ni Jak na rumaket o nagtrabaho siya noong grade school siya sa pagpipinta ng letra o pag-lettering sa mga lapidal sa sementeryo sa Laguna kapag mag-u-undas.

Kumikita raw siya noon ng P50 bawat lapida at ginagawa niya iyon para matulungan ang kanilang ina na makabawas sa gastusin. Panoorin ang masayang episode.


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--Jamil Santos/FRJ, GMA News