Sa pagtatapos ng "I Heart Davao", abala naman ngayon ang Kapuso actor na si Tom Rodriguez sa paggawa ng bagong pelikula kung saan balik tambalan uli sila ng "Someone to Watch Over Me" leading lady niya na si  Lovi Poe.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi na intense at heavy drama ang gagawing pelikula nina Tom at Lovi.

Inamin ni Tom na kinakabahan siya dahil makakatrabaho niya sa unang pagkakataon ang kilalang direktor na si Joel Lamangan.

"Kinakabahan lang ako, andaming pressure, siyempre it's with Direk Joel Lamangan, it's my first time working with him. Such a great director."

Kasama sa paghahanda ni Tom ang pagbabalik boxing para mas maging ripped at fit, na kinakailangan sa kanyang role.

"Boxing kasi is my favorite way to lose weight, kasi hindi [mo] nararamdaman na nagpapawis ka na. Kaysa 'pag tumatakbo ako na parang ang bagal ng oras. 'Pag nagbo-boxing ako, ambilis usually and nag-e-enjoy ako sobra."

Sa pagtatapos ng "I Heart Davao", sinabi ni Tom na gusto niyang makasama si Carla Abellana sa dream project niya na action.

"Action! Hilig ko talaga ever since I was a kid, 'yun mga pinapanood ko, sila Lito Lapid, Robin Padilla, Philip Salvador, sila FPJ."

Kamakailan, sinuportahan ni Tom ang isang charity bowling tournament na pinangunahan ni Alice Dixson, "Alyas Robin Hood" cast member Edu Manzano, at TV host Donita Rose. — Jamil Santos / AT, GMA News