Binatikos ng batikang direktor na si Erik Matti ang proseso ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa pagpili ng mga pelikulang ipalalabas sa filmfest ngayong 2017.

Sa kaniyang Facebook post, sinabi ng direktor na nagkukunwari ang selection committee sa pinaiiral na criteria sa pagpili ng mga pelikula na hindi naman umano sinusunod.

"Kung sinabi na lang nila mula sa simula pa na ang criteria sa pagsali sa #MMFF2017 ay 30% artista 30% producer 30% kwela at 10% brightness, e di wala na sanang problema. Nagtago pa kasi sa global appeal at artistic excellence e," puna ni Matti.

Patuloy pa niya, "Walang problema gumawa ng commercial movies. Walang problema sa pinili nilang apat kasi sa dulo baka maganda rin silang commercial movies (sana). Ang problema ang kung paano ang palakad nitong bagong #MMFF cartel."

Ang pagpili ng mga pelikulang kalahok sa MMFF ay batay umano sa mga sumusunod: 1. Artistic Excellence - 40%; 2. Commercial Appeal - 40%; 3. Filipino cultural and/or historical value - 10%; at 4. Global appeal - 10%.

Nitong nakaraang linggo, inanunsyo na ng MMFF ang unang apat sa walong pelikula na kasali sa 2017 MMFF na kinabibilangan ng "Ang Panday," "Almost Is Not Enough," "The Revengers" at "Love Traps #FamilyGoals."

Matapos ang anunsyo, nagbitiw bilang kasapi ng executive committee ng MMFF sina Ricky Lee, Roland Tolentino at Kara Alikpala.

Nitong Lunes, inihayan din ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) chairperson Liza Diño, ang pagkadismaya sa nagiging takbo ng pagpili ng mga pelikulang kalahok sa MMFF 2017 pero nagpasya siyang manatili bilang miyembro ng Execom.

BASAHIN: Liza Diño, mananatiling miyembro ng MMFF Executive Committee

Sa kaniyang FB post, muli ring binalikan ni Matti ang umano'y mga katiwalian sa MMFF na dapat sagutin umano ng pamunuan.

"Alalahanin natin na ang congress na mismo nagsabing may katiwalian na dapat sagutin ang dating namumuno ng MMFF. Meron pang Commission on Audit na kaso. And sila ulit ang nandidiyan na nagpapatakbo nitong festival," anang direktor.

"Bakit walang nagtatanong tungkol dito? Ambilis nating makalimot. Ganun na ba tayo ka matatakutin na ayaw nang magreklamo sa mali?," dagdag niya.

Sinisikap ng GMA News na makuha ang panig ng MMFF.

Sa naunang ulat ni James Patrick Anarcon ng Pep.ph, nilinaw ni Matti na bagama't wala siyang problema sa mga napiling pelikula, hindi naman siya pabor sa ginamit na criteria ng selection committee.

"Ang problema kasi, it's the same type of films, it's the same kind of movies."

"I have no problem with having a film festival that's for commercial purposes, but change your criteria, change it."

"Okay, we only want movies that are commercial, that we feel is commercial. Wala na tayong pag-uusapan.

"But to hide behind the vision, which is artistic excellence, to push for cultural chuchu, global appeal, I think it's just….

"Hindi hypocrisy, e. Maliit yung hypocrisy, e. Medyo garapal lang," paliwanag niya.

-- FRJ, GMA News