Aminado ang dating sexy actress ng dekada 80's na si Janice Jurado na minsan din siyang nalulong sa iligal na droga. Katunay, ang droga ang dahilan umano kaya nasira ang kaniyang buhay.

Sa artikulo ni Rommel Placenta sa PEP.ph nitong Huwebes, ibinahagi ni Janice ang naging karanasan niya sa droga.

"Hindi lang shabu ang tinira ko pati cocaine, marijuana, pati injections, umabot ako ro'n," saad ni Janice.

"Alam ninyo, kulang na lang pati katol, hithitin ko, e," dagdag pa niya nang makapanayam ng PEP kamakailan.

Mula nang tumamlay ang kaniyang kasikatan noon dekado 90's, doon na raw nagsimulang pasukin ng aktres ang masamang bisyo.

"Naging taong grasa ako for six months. Pakalat-kalat ako kung saan-saan na hindi ako nakikilala ng mga tao," kuwento niya.

Nang dahil sa droga, nasira na ang kaniyang pamilya at nawalay sa kaniya ang dalawang anak.

"Ang drugs po ang sumira ng buhay ko," malungkot niyang pagtatapat.

Bukod sa pamilya, naapektuhan na rin umano ang kaniyang hitsura, tuluyan na rin nasira ang karera sa showbiz, nawala ang mga kaibigan at maging ang kaniyang tirahan.

"Dati ay nakatira ako sa isang malaking bahay, apat ang kotse, hatid-sundo yung mga anak ko.

"Umabot po ako sa punto na ayaw na akong papasukin ng mga anak ko sa bahay.

Sa kabila ng mga kabiguan, nakabangon ang aktres nang pumasok umano sa rehabilitation center sa tulong ng Oasis of Love, isang Catholic charismatic community.

"Napatunayan ko na hindi sagot ang droga para makalimutan ang mga problema sa buhay. Hindi sagot ang droga para matanggal yung depression mo," aniya.

Sa tulong ng Diyos, nakita niya ang kapanatagan ng kaniyang kalooban.

"Andiyan ang Diyos, diyan ka magdasal. Kasi ang droga, pag tinira mo, bagsak ka. Pero ang Panginoong Diyos, kapag tinawag mo, yayakapin ka," paalala niya.

Nagbabalik sa pelikula si Janice sa indie film na Bubog sa direksyon ni Arlyn dela Cruz.

Sa naging kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga, ilang celebrity ang naaresto dahil sa alegasyon ng pagkakasangkot nila sa bawal na gamot tulad nina Mark Anthony Fernandez, Krista Miller, Sabrina M, at dating basketball player na si Paul Alvarez. -- FRJ, GMA News