Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Bernal, naiyak sa pagdepensa sa sarili laban sa mga basher


 

 

Hindi napigilan ng "Impostora" star na si Kris Bernal na maging emosyonal nang depensahan ang sarili laban sa kanyang mga basher.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing bibida si Kris sa pilot episode ng bagong GMA program na "Tadhana," kung saan magsisilbing host si Marian Rivera.

Gaganap na minaltratong overseas Filipino worker si Kris, at matitikman niya ang kalupitan sa dayuhan niyang amo na gagampanan ni Cherie Gil.

"Challenge talaga kasi api-apihan talaga ako, na hindi makatao talaga, para 'kong hayop. Tinrato 'kong parang laruan," kuwento ni Kris sa kaniyang role.

Nang malaman daw ni Kris na si Cherie ang makakasama niya, sobra siyang kinabahan dahil alam niya kung gaano kahusay na aktres.

Pero ang kaba ay nauwi umano sa pasasalamat.

"Sa kanya po talaga ko kumukuha ng emosyon at ang sarap pong makipagbatuhan talaga sa kanya [ng linya]. Saka talagang 'pag may kulang akong ginawa, talagang siya na 'yung nagsasabi sa direktor na ulitin namin," patuloy ni Kris.

Isa rin daw sa pinaghuhugutan ni Kris ng emosyon sa mga madamdaming eksena ang mga batikos na nararanasan niya ngayon dahil sa kaniyang maliit na katawan at pag-pose para sa isang sexy magazine.

"Super dami as in hindi ko na talaga alam kung ano gagawin ko. Alam mo 'yung nagpipigil ka lang sumagot... sobrang sakit, as in may mga tao talaga na sinasabi sa kabaong na daw ako dahil sobrang payat ko raw," pagbahagi niya.

Hindi na napigilan ni Kris na mapaiyak dahil sa kanyang pinagdadaanan ngayon sa kamay ng mga basher.

"Ang hirap lang kasing mag-effort na parang ginagawa mo namang lahat. Alam mo 'yon, hindi na 'ko pleaser ngayon eh. Tapos na 'ko du'n sa time na naging pleaser ako na sunod ako nang sunod. This time parang gusto ko naman on my own way, my own goals,"saad ng aktres.

-- FRJ, GMA News