'The Good Teacher' na pagbibidahan ni Marian Rivera, kakaiba ang istorya
Hindi magiging pangkaraniwang ang karakter na gagampanan ni Marian Rivera sa bagong Kapuso primetime series na "The Good Teacher."
Sa Starbites report sa GMA news TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing gagampanan ni Marian sa "The Good Teacher" ang role na may taglay na kapangyarihan para labanan ang kampon ng kadiliman.
Dahil action packed daw ang proyekto, hindi naiwasan ni Marian na naalala ang pagganap niya noon bilang "Darna."
Pero tila hindi naman mahihirapan ang aktres sa pagbabalik sa action series dahil magiging preparasyon na niya ang pagbabalik sa "Encantadia" bilang si Hara Minea.
Dapat daw abangan kung magiging kakampi o kaaway ng mga diwata si Hara Minea, na nasasabik sa reunion niya sa tatlong Sang'gre na sina Glaiza de Castro, Sanya Lopez, Gabbi Garcia.
Dahil naman sa magiging busy sa bago niyang proyekto na "The Good Teacher," inihahanda na ni Marian ang pagbalanse sa kaniyang trabaho at pagiging good mommy ni baby Zia.
"Sabi ko nga time management lang 'yan. Siyempre mahirap pa rin sa akin iwanan yung anak ko kaya kailangan ibalanse talaga," anang aktres.
Katunayan, sa story conference ng "The Good Teacher," bahagyang na-late si Marian dahil nakatanggap siya ng tawag na matamlay daw si baby Zia habang papunta na sa event.
Bihira umanong ma-late si Marian sa kaniyang mga commitment, at mangyayari raw ito sigurado raw na may importanteng dahilan.
Nang bumalik si Marian sa bahay, dito niya nalaman na tinutubuan na ng ngipin si Zia kaya may pagkakataon na matamlay.
"Ganoon pala 'yon, tinutubuan ng ngipin, apat. Siyempre first time mom so 'o.a.' mag-react," pag-amin ng aktres
"Ok naman na siya. Nung nakita niya ako, masigla naman," dagdag niya. -- FRJ, GMA News