Filtered By: Showbiz
Showbiz
GAGANAP SA KWENTO NG KANIYANG BUHAY

May kapansanang artist na si Erwin Dayrit, sasabak sa acting sa 'Magpakailanman'


Bukod sa husay sa pagguhit, ipakikita ni Erwin Dayrit ang kaniyang talento sa pag-arte sa pagganap niya mismo sa paglalahad niya ng kaniyang buhay sa "Magpakailanman."

Si Erwin, isang artist, ay hindi na nakalalakad dahil sa kaniyang kondisyon na “osteogenesis imperfecta,” isang sakit na dahilan ng pagrupok ng kaniyang mga buto at pumigil na rin sa kaniyang paglaki.

Dahil sa kaniyang kalagayan, ang wheel chair na ang kaniyang naging mga paa.

Kahit delikado ang kaniyang kalagayan at limitado ang paggalaw, marami ang namangha at humanga sa kaniyang determinasyon nang magpasya siyang umakyat sa bundok para makita ang idolo at living legend na "mambabatok" na si Apo Whang Od.

WATCH: Artist na may kapansanan, umakyat ng bundok para makita ang idolong si Apo Whang Od

Sa darating na Sabado, ibabahagi ni Erwin ang kuwento ng kaniyang buhay at kung paano niya tinanggap ang kaniyang kalagayan sa episode na, "Abot Kamay Ang Pangarap: The Erwin Dayrit Story."

Sa episode kung saan siya mismo ang gaganap, ipakikita ni Erwin ang kaniyang katatagan sa pagharap sa sakit na walang kalunasan.

Paano nga ba niya natuklasan ang talento sa pagguhit, at ano ang kaniyang gagawin sa sandaling matuto na siyang umibig.

Kasama ni Erwin na gaganap sa episode ng kaniyang buhay sina Aicelle Santos, Ana Capri, Gary Estrada, Jazz Ocampo, at si David Remo,  ang batang Erwin.

Kasabay nito, niregaluhan ni Erwin ng iginuhit niyang portrait ang host ng "Magpakainman" na si Tita Mel Tiangco.

Mapapanood ang kuwento ni Erwin sa "Magpakailanman" sa Sabado, March 18, pagkatapos ng "Pepito Manaloto." -- FRJ, GMA News