Filtered By: Showbiz
Showbiz

Why Michael V. has remained a loyal Kapuso for 22 years


Muling pumirma ng kontrata ang Kapuso comedian na si Michael V. sa GMA Network nitong Miyerkules, isang tanda ng halos 22 taon niyang pagiging Kapuso.

Pabiro niya ngang panimula nang tanungin tungkol sa kaniyang loyalty bilang Kapuso, "Recently, GMA gave me an offer I can't refuse: Itutuloy raw ang 'Bubble Gang' at 'Pepito Manaloto.' Wala namang ibang network na gustong mag-offer nu'n."

 

 

"Ito talaga ang tahanan ko, ito ang bahay ko. Sinubukan kong gumawa ng ibang projects sa ibang network, pero talagang nandito ang roots ko. Hindi ko na maaalis 'yan," dagdag pa ng batikang host-comedian.

Sa tagal ng pamamalagi niya sa GMA Network, pamilya na rin umano ang turing niya sa kaniyang mga boss.

 

 

Nagpapasalamat si Bitoy sa kanilang magandang samahan sa loob ng higit sa dalawang dekada, na naging daan raw upang lalong mahasa ang kaniyang iba't ibang talento.

"Parang hindi na nga sila boss, parang kamag-anak na rin. Talagang mas komportable na, mas madaling magsabi ng proposals o plano," aniya.

Ang magandang samahan na ito ang itinuturing ni Bitoy na sikreto ng kaniyang pagiging loyal Kapuso.

Paliwanag niya, "Nandito na lang din tayo sa trabaho ng communication, might as well take advantage of where we are, kung ano 'yung mga kakayahan natin, kung ano 'yung opportunities.

"Kapag hindi kasi nakinig sa isa't isa, malamang hindi aandar. Kapag nakikinig ka, minsan kahit spark lang ng idea, lumalaki at nagiging isang buong show," dagdag pa ng Kapuso comedian.

Pagbabahagi naman ni GMA SVP for ETV Lilybeth Rasonable, "Every year, we have this special meeting with him, so we can just throw ideas, pag-usapan at pagkuwentuhan. Palagi naman siyang punong-puno ng ideas. Masarap siyang pakinggan at kakuwentuhan."

Maliban sa pagpapatuloy ng "Bubble Gang" at "Pepito Manaloto," marami pang projects ang inihahanda ng GMA Network para sa itinuturing na isa sa mga pinakamagagaling na komedyante sa industriya.

Kabilang na riyan ang isang contest na inaasahang maibabahagi ngayong taon.

"Prized possession, that is an understatement. Bukod sa pagigng loyal niya for 22 years, he's very generous with his ideas. He's actively involved in the creative development of the shows he's in, as well as for other shows. Talagang napakahalaga ng kaniyang contribution sa entertainment ng GMA," ayon kay Rasonable. —JST, GMA News