Alma Moreno at Lorna Tolentino, nagdamayan para kay Mark Anthony— Lolit Solis
Sa harap ng matinding pagsubok sa buhay na pinagdadaanan ngayon ng aktor na si Mark Anthony Fernandez, dalawang ina ang nagpapakatatag at nagtutulungan para sa kaniya--sina Alma Moreno at Lorna Tolentino.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ng talent manager na si Lolit Solis kung papaano gumawa ng paraan si Lorna upang makausap si Alma matapos pumutok ang balita ng pagkakaaresto ni Mark Anthony dahil nahulihan umano ng marijuana sa kaniyang kotse.
Ayon pa kay Manay Lolit, nakausap na niya si Alma na iyak umano nang iyak sa sinapit ng anak.
Si Mark Anthony ay anak ni Rudy Fernandez kay Alma.
Nang maghiwalay ang dalawa, napangasawa naman ni Rudy si Lorna at nagkaroon sila ng dalawang anak na lalaki na sina Renz at Ralph.
Sa mga post sa social media account nina Renz at Ralph, ipinahayag nila ang suporta sa kanilang kuya.
Kuwento ni Manay Lolit, lumabas daw ang pagiging matatag at maalalahanin na stepmother ni Lorna para kay Mark Anthony.
Aniya, buong gabi raw na hinanap ni Lorna si Alma nang mahuli si Mark noong Lunes para makausap.
"Talagang wala siyang ginawa kung hindi hanapin si Alma kasi wala yata siyang telepono ni Alma. All night long she was looking for Alma hanggang nagkausap sila," saad ni Manay Lolit.
"Nakakatuwa kasi kapag nag-usap sila parang ang common denominator lang nila ay si Mark," dagdag niya.
Ikinagulat ni Direk Brillante
Samantala, ang pelikulang pinarangalan sa Cannes na "Ma'Rosa" ang naging huling pelikula ni Mark Anthony bago siya nahuli sa Angeles, Pampanga.
Ayon sa direktor ng nabanggit na pelikula na si Brillante Mendoza, nagulat siya nang mabalitaang nahuli si Mark Anthony.
"Supposed to be isa siyang pulis doon [sa 'Ma'Rosa']...napakaironic nga," anang premyadong direktor.
Sa nakaraang panayam, iginiit ni Mark Anthony na may naglagay lang ng isang kilo ng marijuana sa kaniyang sasakyan, bagay na itinanggi ng mga pulis.
Pag-amin ni Direk Brillante, may mga nagpayo sa kaniya na huwag kunin sa pelikula si Mark Anthony dahil baka maging problema ito. Gayunman, kinuha pa rin niya ang aktor at nakita niya ang husay nito bilang artista.
"Kasi nung kinuha ko siya, maraming nagsasabi sa akin na huwag mo na siyang kunin kasi baka magkaproblema ka pa," ayon pa sa direktor. "True enough hindi naman ako nagkaproblema."
Marami pa raw plano si Mark Anthony bilang aktor at gusto raw nitong i-remake ang mga pelikula ng amang si Ruby.
Madalas din daw ikuwento ni Mark Anthony ang anak nito na mas nagmana umano sa kaniyang ama.
Kapwa man nalulungkot sina Lolit at Direk Brillante sa nangyari kay Mark Anthony, pero ang pakiusap nila ay huwag muna itong husgahan.
Giit pa ni Manay Lolit, user at hindi pusher si Mark Anthony at maaari pang magbago. -- FRJ, GMA News