Aicelle Santos bilang 'Traffic Diva' ng Eat Bulaga: 'Expect the unexpected'
Hindi na lang sa entablado bumibirit ngayon si Aicelle Santos kung hindi maging sa kalye bilang "Traffic Diva" ng nangungunang noontime show sa bansa na Eat Bulaga!
Sa "Chika Minute" report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing hindi lang tuwa at saya ang hatid ni Aicelle sa kalsada kung hindi maging papremyo.
Nagpasalamat si Aicelle sa kakaibang experience ang ginagawa niya sa Eat Bulaga dahil sanay siyang mag-perform sa ibabaw ng entablado.
"Nakakaka-overwhelm siya kasi first time ko talaga na to really host and ibang klase kasi nasa kalye and expect the unexpected talaga. Kaya laking pasasalamat ko sa tiwalang ibinigay ng Eat Bulaga," ayon kay Aicelle.
Bilang "Traffic Diva," pinapakanta rin niya ang mga commuter na naiipit sa traffic. May pagkakataon din na sumakay siya ng jeep para mapakanta ang mga pasahero.
"May mga camera shy talaga na hindi mo mapipilit mapakanta, meron naman may umaagaw ng mic. So masaya, iba-iba yung na-e-encounter mo sa kalye," aniya.
Bukod sa pagiging "Traffic Diva," napapanood din si Aicelle bilang singer na kontrabida sa GMA Afternoon Prime series na "Buena Familia."
Ini-explore raw ngayon ni Aicelle ang iba-t-ibang side ng kanyang pagiging artist. Bukod sa pag-awit at pag-arte, songwriter at producer din siya ng kanyang sariling album.
"Ang Liwanag" ang title ng isinulat niyang kanta na very timely daw at akma ang lyrics sa nangyayari ngayon sa lipunan bunga ng nalalapit na eleksyon.
"Puwede rin natin itong gamitin para hanapin natin yung liwanag sa pamamagitan ng pagboto nang maayos," ayon kay Aicelle. -- FRJ, GMA News