'AlDub Libraries' na mula sa kinita ng 'EB: Tamang Panahon Show,' itinatayo na
Mahigit dalawang buwan mula nang idaos ang makasaysayang "Sa Tamang Panahon Show" sa Philippine Arena noong Oktubre, ipinakita ng "Eat Bulaga" nitong Sabado ang tatlo sa mga ginagawang silid-aklatan na bahagi ng makabuluhang proyekto.
(Ang mga masayang mag-aaral ng Ongol Ilaya Primary School)
Una nang inihayag ng "Eat Bulaga" na 100 porsiyento ng kinita sa pagbabayanihan ng mga dabarkads at AlDub Nation sa "Tamang Panahon show," ay mapupunta sa pagpapagawa ng mga silid-aklatan na tatawaging AlDub Library.
Basahin: Eat Bulaga raises P14 million from ticket sales for AlDub library project
Nitong Sabado, ipinakita nina Sen. Tito Sotto at Vic Sotto ang tatlong paaralan na kabilang sa mga napiling pagtayuan AlDub Library.
Kabilang dito ang Lumban-Kalayaan Elementary School sa Laguna, Ongol-Ilaya Elementary School sa Dumarao, Capiz, at Tambacan Elementary School sa Iligan City, Lanao del Norte.
Ang mga guro at mga mag-aaral, gayundin ang mga magulang ng mga estudyante sa nabanggit na mga paaralan, labis ang pasasalamat na napili ang kanilang eskwelahan sa mga napagkaloob ng nabanggit proyekto.
Ayon kay "EB" host Pia Guanio, mayroon pang ibang silid-aklatan na ginagawa kabilang na ang isang paaralan sa Catabangan proper sa Camarines Sur, at gayundin sa isang paaralan sa Urbiztondo, Pangasinan.
Pagtiyak pa ni Sen Sotto, simula pa lang ito at marami pang AlDub libraries ang magbubukas sa iba't ibang bahagi ng bansa. -- FRJ, GMA News