Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pinoy celebrities share excitement for Pope Francis visit


Excited na rin maging ang mga celebrity sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis. Ang ilang Kapuso stars, may kani-kanilang mensahe at hiling sa Santo Papa.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing nagiging seryoso si Paolo Contis kapag ang pagdating ni Pope Francis ang paksa ng usapan.

Basahin: Ano ang dalangin at mensahe mo para kay Pope Francis?

Aniya, "One of our friends ng mommy ko is actually serving near the Pope. So I wrote a letter, sealed it and I hope he has the time to pray for me."

Ang mga young Kapuso star, naniniwala na biyaya ang padalaw sa bansa ng Santo Papa, na nais magpatawag sa mga Pinoy bilang si "Lolo Kiko."

"Isa itong way para magdasal tayo lalo, mas maging blessed ang ating country," ani Derrick Monasterio.



Ayon naman kay Krystal Reyes, malaking inspirasyon sa mga Pilipino ang paglalaan ng Santo Papa ng panahon para sa Pilipinas.
 
Si Krisfoffer Martin, sinabing nais niyang makita ng personal ang Santo Papa bilang isang Katoliko.

Mensahe naman ni Joyce Ching, "Sana kung gaano sila ka-excited [na] makita yung Pope, ganu'n din sila ka-excited magkaroon ng relationship kay Lord."

Hangad naman ni Janine Gutierrez, na ipagdasal ng Santo Papa ang Pilipinas.

"Sana palagi niyang ipagdasal tayong mga Pilipino kasi we all have our hopes and dreams. Pero siyempre ipagdasal din natin na bumangon as a country," anang star ng "More Than Words."

Kasabay ng personal na hiling para sa magandang kalusugan ng pamilya, nais ipadalangin ni Alden Richards na wala nang masyadong dumating na kalamidad sa bansa.

Saad naman ni Rich Asuncion, "I just wish na magiging maayos ang lahat, magiging peaceful, walang magiging gulo. At ayun, sana makita ko siya."

Samantala, sa ulat naman ni Rachelle Siazon sa Philippine Entertainment Portal (PEP), sinabi ni Martin Nievera na nais niyang magkaroon ng "selfie" kay Pope Francis.

“If I could get a gift from the Pope, I want what everyone else wants from the Pope, a selfie,” anang singer.

Kahit born-again Christian na ang pina-practice niyang religion ngayon, sinabi ni Martin na excited pa rin siya sa pagdating ng Santo Papa.

"I see the Pope as a living messenger, someone we can actually touch and see, who stands for forgiveness, who stands for peace, who stands for love,” anang Concert King.

Para naman kay John Estrada, hihilingin daw niyang ipagdasal ni Pope Francis ang lahat ng mga taong apektado ng Ebola virus at ibang kapansanan.

“If I get the chance, siguro para tapusin na yung Ebola crisis talaga. I think 100 or 200 people die every day with that virus. So sana makahanap na tayo ng [cure] to stop that,” anang aktor.
 
Si Christopher de Leon na isang Roman Catholic, nais na magkaroon ng kapaypaan sa mga nagkakagulong bansa.

Kapayapaan at pagkakaisa din ang nais hilingin ni Eigenmann kay Pope Francis.

“Para sa akin naman, kung mayroon man akong hihilingin sa kahit kanino, at kung iga-grant naman talaga, of course it's for the peace and wellness of everybody,” ayon sa aktres. -- FRJ, GMA News