Hatol na 'guilty' sa kasong kidnapping, maluwag na tinanggap daw ng aktor na si Dennis Roldan
Bagaman hindi pabor sa kaniya ang naging desisyon ng Pasig City regional trial, sinabi sa isang ulat ng GMA News TV nitong Martes, na maluwag na tinanggap ng aktor na si Dennis Roldan ang hatol na guilty sa kinaharap na kasong kidnapping.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa "Balitanghali" nitong Martes, sinabing ibiniyahe na sa New Bilibid Prison si Dennis matapos igawad ni Presiding Judge Rolando Mislang ang parusang reclusion perpetua o pagkakabilanggo sa aktor ng hanggang 30 taon.
Bukod kay Dennis, Mitchell Gumabao sa tunay na buhay, dalawa pang kapwa niya akusado sa kasong pagkidnap sa noo'y tatlong-taong-gulang na si Kenshi Yu na nangyari noong 2005.
Habang isinasagawa ang pagbasa sa hatol, sinabi sa ulat na hindi raw nakitaan ng lungkot sa mukha si Dennis.
Maluwag daw sa loob ng aktor na tinatanggap ang hatol, na kanila raw iaapela sa mas mataas na korte.
Ikinukonsidera rin ni Dennis na pagsubok ang lahat at posibleng may gusto pa raw ipakita sa kaniya ang Diyos, na pinagkukunan daw niya ngayon ng lakas.
Ayon naman sa abogado ni Dennis na si Atty. Orlando Salatandre Jr., marami umanong usapin ang hindi nakasaad sa naging desisyon ni Mislang.
Kabilang umano rito ang insidente noong nagsisimula pa lang ang paglilitis na hindi kaagad daw kaagad naituro ng biktima ang mga akusado nang magharap sa korte.
Pinuna rin nila na tila naging mabilis ang paglabas ng desisyon ni Mislang samantalang isang buwan pa lang daw nitong nahahawakan ang kaso matapos na muling mai-raffle.
Si Dennis ay bahagi ng Kapuso series na "My Destiny," at ama ng volleyball player na si Michelle Gumabao. -- FRJ, GMA News