Epekto ng pagmimina sa kalikasan, tatalakayin ng 'Reporter's Notebook'
Bayan ng Mina
Reporter's Notebook Mining Special
Huwebes, Hunyo 23
11:35 PM sa GMA-7
Mula sa kailaliman ng lupa, binubungkal ang ginto, nickel, chromite at iba pa pang yamang mineral para maging alahas, para sa paggawa ng mga bahay at gusali, para sa mga gadget at electronic appliances at para sa paggawa ng pera. Bahagi na nga ng ating pamumuhay ang mga produktong gawa sa mineral—mga mineral na ipinroseso sa ibang bansa.
Pero alam niyo ba na isa ang Pilipinas sa mga bansang nangungunang pinagkukunan ng ilang mineral? Halimbawa na lang, ayon sa U.S. Geological Survey, number one ang Pilipinas na producer ng nickel na kadalasang ginagamit sa mga materyales sa paggawa ng bahay at mga sasakyan. Nasa ika-dalawampu’t walong puwesto naman ang Pilipinas sa mga gold-producing country sa buong mundo.
Pero ang tanong, sa dami ng mga binungkal o mininang mineral sa ating mga lupa, yumaman ba tayo bilang isang bansa? Kamakailan lang nagpahayag ng pagtutol si President-elect Rodrigo Duterte sa ginagawang malakihang pagmimina sa bansa partikular sa mga bayan ng Surigao. Bahagi ang Surigao ng CARAGA region, ang itinuturing na mining capital ng Pilipinas.
Minsan nang tinungo ng Reporter’s Notebook ang Surigao del Norte at Surigao del Sur noong taong 2011. Una na naming isiniwalat ang epekto ng ginagawang pagmimina sa lugar tulad ng pagkakalbo ng kagubatan at ang pagkasira ng karagatan. Nagkulay kalawang na ang ilang ilog at baybaying-dagat dahil sa siltation o ang pagdami ng deposito ng lupa mula sa malalaking minahan. Kabilang sa mga nagrereklamong residente noon si Nanay Propetisa, isang manobo. Makalipas ang limang taon, muli namin siyang hinanap.
Sumama sa pagsiyasat kung may nagbago sa buhay ng mga gaya ni Nanay Propetisa. Alamin kung sapat nga ba ang nakukuhang pakinabang ng bansa sa malawakang pagmimina at pagbubungkal ng ating yamang-mineral.
Huwag palalampasin ang “BAYAN NG MINA,” ngayong June 23, 2016, 11:35 PM sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist - Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.