Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Pangarap sa Burak' ngayong #RNSabado sa 'Reporter's Notebook'






PANGARAP SA BURAK
Reporter’s Notebook Special Report
May 3, 2014

 
Noong nakaraang linggo, nasunog ang isang komunidad sa Barangay Tonsuya sa Malabon. Mahigit isang libong pamilya ang nawalan ng bahay at mga ari-arian. Kabilang na ang pamilya ni Junjun, labing dalawang taong gulang. Kasama ang kanyang anim na kapatid, sa isang maliit na tolda sa kalye sila sumisilong ngayon.
 
Upang makatulong sa kanyang pamilya, sinisisid ni Junjun ang isang maruming sapa na may pinagsama-samang basura, burak at abo. Peligroso man ang ginagawa niyang pangangalakal, hindi ito alintana ni Junjun dahil mahalaga raw ang kikitain niya para muling maitayo ang kanilang barong-barong.



Bukod sa maruming tubig, may mga matatalas na bakal rin sa ilalim ng sapa. Si Miko, labing limang taong gulang, nasugatan ang paa matapos lumusong upang mangalakal. Sa kabila nito, patuloy pa rin siya sa paghahanap ng maibebentang basura. Malaking tulong raw kasi ang kinikita niya upang maibsan ang gutom ng kaniyang pamilya.
 
Isa ang Pilipinas sa mga itinuturing na fastest growing economy sa Asya. Pero ang masaklap na katotohanan, isa rin ang Pilipinas sa may pinakamataas na bilang ng mahihirap sa mga bansa sa Asya. Sa tala ng National Statistical Coordination Board, umabot na sa 23 milyong PIilipino ang mahihirap o nabubuhay sa below poverty line. Kailan sila makakaahon sa burak ng kahirapan?
 
Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook sa bago nitong araw, Sabado na, May 3 pagkatapos ng I-Witness.