Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang mabisang gamot sa ubo?


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Janette Diez-Quinones:



Ano ang mabisang gamot para sa ubo? Inuubo ang anak ko. Pero wala po akong pera para sa checkup.

Sagot:

Ayon kay Dr. Rolando dela Eva, isang pulmonologist, ang pag-ubo ay isang sintomas at hindi sakit.

May dalawang uri ng ubo, ayon sa eksperto. Una, ang dry cough o ang tinatawag na ubong matigas. Dulot ito ng sipon, asthma, o exposure sa alikabok.

"Kapag ang sipon ay tumulo sa likod ng throat nila, makikiliti ang lalamunan at mauubo sila," ayon kay Dr. dela Eva.

Pangalawa, ang wet cough o ang ubong may halak. Sanhi ito ng impeksyon o asthma.

Bukod sa dalawang karaniwang klase ng ubo, mayroon ding tinatawag na whooping cough o ang matagal na pag-ubo na sinusundan ng malalim na paghinga.

May tatlong uri ng gamot na mabibili sa botika kontra-ubo:

1. Antitussive — mga gamot na pumipigil sa pag-ubo
2. Mucolytic — mga gamot na nagpapalambot ng plema para mas madaling mailabas ng katawan
3. Expectorant — inirerekomenda para sa may halak

Mayroon ding mabisa at murang herbal medicine para sa ubo ayon kay Dr. Jaime Galvez-Tan.

Maglaga ng luyang kasing laki ng hinlalaki sa dalawang tasa ng tubig. Pagkakulo, isalin sa baso, patakan ng isang kalamansi at maglagay ng kalahating kutsaritang honey. Inumin at sigurado raw na mas madali nang mailalabas ang plema sa loob ng apat na oras.

"Ang luya, mayroon siyang volatile oils [kaya] nakagiginhawa ng lalamunan. Expectorant din siya, tapos ang kalamansi naman mayroon siyang citric acid na tinutunaw ang mga plema. Ang honey naman, kung may gasgas na, pinagagaling niya ang lalamunan," ayon kay Dr. Galvez-Tan.

Ang bawang naman, mayroong taglay na antibiotic at mainam din sa namamagang tonsil. Dikdikin lang ito at ilagay sa isang kutsara. Dagdagan ng kalahating kutsarita ng honey at maaari nang inumin.

Para maiwasan ang impeksyon na dulot ng ubo, inirerekomenda ni Dr. Galvez-Tan ang paggamit ng virgin coconut oil. Ibabad lang sa bibig ang isang kutsarang virgin coconut oil sa loob ng labinlimang minuto. Pagkatapos, hayaang kusang dumikit ang mga plema rito at idura sa banyo.

"Ang virgin coconut oil ay may loric acid at ito ay anti-bacterial, anti-fungal, at anti viral," dagdag niya.

Tandaan: Mas mainam pa rin kung kokonsulta mismo sa doktor para siguradong mas ligtas sa maaari pang maging banta sa ating kalusugan.Rica Fernandez/CM, GMA News

Tags: webexclusive