Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Viral love story: Ang espesyal na sayaw nina Kelvin at Liz Liz


Tatlong buwan ng magkarelasyon sina Kevin at Liz Liz.

Kamakailan lamang ay naging viral sa internet ang video ng sayaw ng isang babae at isang lalaki sa sikat na mall sa Tutuban. Bukod sa nakaaaliw na dance steps, mababakas din sa bawat indak ng dalawa ang matamis nilang pagtitinginan.

Umani ng papuri at paghanga mula sa netizens ang mga bida sa video dahil ang viral dancers ng Tutuban na sina Kelvin at Liz Liz, parehong may down syndrome.

Ang mga bida sa video

Tatlong linggo matapos ipanganak si Sherliz o Liz Liz, na-diagnose siya na mayroong down syndrome. Ang kalagayang ito ay kilala rin bilang trisomy 21 dahil sa sobrang chromosome sa katawan. Ito ay nagdudulot ng delay sa parehong intelektwal at pisikal na paglaki ng isang tao na mayroon nito.

Tulad ng 27 anyos na si Liz Liz, mayroon ding down syndrome ang 18 anyos niyang nobyong si Kelvin. May kalakihan man ang pagitan ng edad ng dalawa, suportado naman ng mga magulang ni Kelvin ang kanilang relasyon.

Bakas ang pagmamahalan sa mga ngiti nina Liz Liz at Kelvin.

Tatlong buwan pa lamang magkarelasyon ang dalawa. Nagsimula lamang ito sa simpleng pag-aaya ni Kelvin kay Liz Liz na magmeryenda sa kanilang paaralan.

From classmates to couple

Tatlong taong magkaklase sa special education (SPED) sina Liz Liz at Kelvin. Lagi raw silang seatmates kaya naman unti-unting nagkapalagayan ang loob nila.

“Sobrang gwapo po [ni Kelvin], talagang kinikilig ako,” pagtatapat ng dalaga tungkol kay Kelvin.

At nang minsang inaya ng binata si Liz Liz upang magmeryenda, dito na raw inamin ni Kelvin ang kaniyang nararamdaman para sa napupusuang dalaga.

“Sabi ni Kelvin, pwede bang mag-bf? Sumagot ako, yes. Parang tumitibok ‘yung dito po [puso]. Umiibig po ako sa kaniya,” kuwento ni Liz Liz. Ngunit katulad ng ibang magkarelasyon, nagkakatampuhan din ang dalawa dahil sa pagseselos na nauuwi sa LQ o lover’s quarrel.

“Minsan kasi umiiyak ako, nagseselos ako,” pag-amin ni Liz Liz na ang dahilan ng kaniyang pagseselos ay ang isa nilang kaklase na nagkakagusto rin sa kaniyang nobyo.

Ayon sa mga magulang ng dalawa, mabilis namang nawawala ang tampuhan nina Kelvin at Liz Liz sa pamamagitan ng kanilang regular na bonding activities tulad ng pagkain at pagsasayaw. Sa katunayan, ipinagpapasalamat pa ng kanilang mga magulang ang pagiging magkarelasyon ng kanilang mga anak.

Buong-buo ang suporta ng mga magulang nina Kelvin at Liz Liz sa relasyon ng dalawa.

Gabay ng magulang

Malaki nga raw ang naitutulong ng relasyon ng dalawa pagdating sa aspeto ng disiplina dahil naiiwasan na raw ng mga ito ang umalis nang walang paalam. Masaya na raw sina Kelvin at Liz Liz na silang dalawa ang parating magkasama sa lahat ng kanilang mga ginagawa, kahit sa loob lang ng bahay.

Gayunpaman, bilang mga magulang, hindi rin nila naiiwasang huwag mangamba sa kalagayan ng dalawa.

“Pinapayo ko sa kanila ‘yung mga hindi dapat gawin ng isang mag-bf- gf, ‘di baleng ganyan lang sila, ‘yung nag-uusap, o kaya nagkakantahan, nagsasayaw. Huwag lang ‘yung gagawa ng hindi maganda. Iba ‘yung sitwasyon nila sa ibang mag-bf- gf,” paliwanag ni Marivic, nanay ni Kelvin.

Paliwanag naman ng clinical psychologist na si Dra. Cely Magpantay, katulad nating lahat, nakararamdam din ng pagmamahal ang mga taong may down syndrome. Sa katunayan, mas malambing pa nga raw ang mga ito. Kailangan lamang silang bigyan ng wastong paggabay upang mapanatiling maayos ang kanilang pakikipagrelasyon.

Tulad ni Marivic, suportado rin ni Helen ang pakikipagrelasyon ng kaniyang anak na si Liz Liz. Aniya, kampante siya na masaya ang kaniyang dalaga kay Kelvin.

“Ang sweet-sweet naman nilang tignan. Natutuwa naman ako pero pag mag-asawa, hindi ko na alam. Kung saan siya happy, anak mo ‘yan, nobody can stop it. Kung saan maligaya ang anak mo, suportahan natin. That is love,” paliwanag naman ni Helen.

“Flowers and balloons for you, Liz Liz!”

Viral dance video

Buong-buo rin ang suportang ibinibigay nila sa paboritong gawain nina Liz Liz at Kelvin: ang pagsasayaw. Ito nga ang naging dahilan kung bakit sila nag-viral sa social media. Ang pagsasayaw nila na tila sila lamang ang tao sa mundo, bakas sa bawat indak ang matatamis na ngiti, ang tunay na sayang nararamdaman nila ang siya ring naramdaman ng mga taong nakapanood sa kanila sa social media.

Kaya’t kahit ang mga hindi nakakakilala sa kanila, katulad ng uploader ng nag-viral na video na si Rhon Morallos, ay namamangha sa pagmamahal at kasiyahang hatid nina Liz Liz at Kelvin para sa isa’t isa.

“Natuwa ako kasi habang sumasayaw sila no’n, parang feel na feel ko na mahal nila yung isa’t isa. Then, parang na-amaze talaga ako no’n e. Ngayon lang ako nakakita ng love story na parang may forever talaga,” pagbabahagi ni Morallos kung bakit niya in-upload ang video ng dalawa.

Bukod sa pagsasayaw, hilig din nila ang pagkuha ng mga selfie!

Dagdag pa ng viral couple, sila raw ang tambalang tatapat kina Alden Richards at Maine Mendoza.

“Hi Kelvin! Behave ka sa inyo ha? Alden ng buhay ko! I love you!” malambing na sabi ni Liz Liz sa kaniyang nobyo.

Ang bawat hakbang ng pagsasayaw nina Liz Liz at Kelvin ay kasabay ng bawat pintig ng kanilang mga puso.

“Sherlyz, mahal kita. I love you. Ikaw ang Maine ng buhay ko. Sherlyz, I love you, mahal na mahal kita,” sagot naman ng binata.

Hanggang sa susunod na dance steps, mag-iba iba man ang tugtog, ang tibok ng kanilang puso ay mananataling para sa isa’t isa.—Joseph Sonajo/BMS, GMA Public Affairs

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.