Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Ilang estudyante sa Zamboanga del Norte, buwis-buhay para lang makapag-aral
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Marami sa ating mga Pilipino, gagawin ang lahat para lang makapag-aral at maabot ang ating mga pangarap. Hindi man mabiyayaan ng materyal na yaman, pilit pa rin tayong nagsusumikap para lang makapagtapos. Ayon nga sa kasabihan, tatawarin natin anumang dagat, susuungin anumang bagyo at aakyatin anumang bundok.
Pero ang mga estudyante ng Oro Elementary School sa Dapitan City, Zamboanga del Norte, literal na umaakyat ng bundok para lamang makapasok sa kanilang paaralan.
Araw-araw, pumipila sila sa paanan ng matarik na bundok ng Oro para akyatin ito, hindi alintana ang panganib ang kanilang kinakaharap. Pero hindi pa pala dito nagtatapos ang kanilang kalbaryo.
Pumunta mismo ang team ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” sa Zamboanga del Norte para alamin ang hirap na pinagdaraanan ng mga estudyante doon.
Matarik na simula
Alas-sais pa lang ng umaga nang maabutan ng KMJS team ang mahabang pila ng mga estudyante sa paanan ng bundok Oro. Lahat sila naghahanda nang simulan ang matarik na paglalakbay sa kanilang paaralan.
Sukbit ang mga tsinelas, sa kanilang mga braso, isa-isang umaakyat ang mga bata, hindi nila alintana ang matutulis na batong maaaring sumugat sa kanilang mga paa.
Mistula silang mga gagamba, at kani-kaniya ang hawak sa kung anumang pwedeng makapitan. Pero kahit na nga napakatarik ng kanilang dinaraanan, kapansin-pansing minamani lang nila ang pag-akyat, tanda lang na sanay na sila sa kanilang ginagawa.
Pero ang pag-akyat pala sa Bundok Oro patikim pa lang ng kanilang “morning ritual.” Dahil may naghihintay pa pala sa kanilang mas buwis-buhay na daraanan - ang tinatawag nilang pampang! Kumpara sa Bundok Oro, mas matarik at mas delikado pa raw ang pag-akyat ng mga mag-aaral dito.
Ang mapanganib na pampang
Sa pag-akyat sa pampang, nakilala ng KMJS team ang 11-anyos na si Aibe. Kasama ni Aibe ang kaniyang inang si Aida, na isang Day Care teacher, para tulungan siyang umakyat. Dito raw kasi minsan nang malagay sa bingit ng kamatayan ang buhay ni Aibe.
Taong 2010, maulan daw noong sinubok na umakyat ni Aibe sa pampang. Malumot daw ang natapakan niyang ugat sa pag-akyat.
“Muntik sa siyang mahulo. Doon ko naramdaman ‘yung takot. Akala ko malaglag na siya sa ibaba,” pagkukuwento ni Aling Aida.
Pansamantala raw na nagkaroon ng trauma si Aibe dahil sa insidente. Binalak pa raw niya noon na huwag nang tapusin ang kaniyang pag-aaral. Pero dahil pursigidong makapagtapos, nilabanan ni Aibe ang kaniyang takot. At sa tulong ng kaniyang ina, muli niyang tinahak ngayon ang masukal na bundok.
Walong taon na raw tinatahak nina Aida at Aibe ang buwis buhay na kabundukan. Dahil gusto ni Aida na makapagtapos si Aibe ng High School, araw-araw nilang tinatiyagang tahakin ang bundok Oro, kahit na nalalagay ang kanilang buhay sa peligro.
“Sinasabi ko na lang sa sarili ko, bahala na ang Panginoon sa amin kasi mahirap lang kami. Sinasabi ko sa kanila, ‘Sige, magtiis na lang tayo. Mag-aral lang kayo nang mabuti.’ Gusto ko na makatapos lang sila para hindi sila katulad sa amin na mahirap,” sabi pa ni Aling Aida.
Isa rin sa mga muntik nang mapahamak si Jackelin. Nitong lang nakaraang taon habang tinatahak ang Bundok Oro, nabagsakan ng punong kahoy ang kaniyang ulo. Pumutok ang kaliwang bahagi ng kaniyang ulo at isinugod siya sa ospital.
“Natakot ako noon kasi hindi ko alam ang gagawin ko. Wala rin ‘yung asawa ko nu’n. Natakot kami kasi baka maapektuhan ‘yung ulo niya. Pero nu’ng dalhin siya sa ospital, tinahi lang ‘yung sugat niya,” pagkukuwento ng ina ni Jackelin.
Pero hindi ito ininda ni Jackelin. Katunayan, matapos ang insidente, mas naging pursigido pa raw siyang mag-aaral.
“Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin siya sa pagpasok. Maski naaksidente siya, masipag pa rin siyang mag-aral. Pero parang ayaw niya nang dumaan sa pampang,” sabi ng ina ni Jackelin.
Mas maginhawang daan?
Sa pagdating ng KMJS team sa paaralan, kapansin-pansing marami na ang naroroong mga estudyante at guro. Karamihan sa kanila, hindi dumaan sa bundok Oro.
Dito na napag-alaman na mayroon pa palang mas maayos na daan papunta sa eskuwelahan - sa pamamagitan ng pagsakay ng habal-habal. Ang biyahe raw, aabutin lang ng kalahating oras. Kailangan nga lang daw magbayad ng P50 kada sakay.
Pero sa mga pamilyang ginto ang katumbas ng bawat sentimo o piso, luhong maituturing ang pagsakay sa habal-habal. Kaya naman karamihan sa kanila, nagtitiyaga na lamang umakyat ng bundok at tipirin ang perang kinikita.
“Kapag sumakay kami araw-araw, P200 ang kaming apat. Wala naman kaming pera na magamit. Kung meron man kaming p200, ibibili na lang namin ng bigas para makakain kami. Tinitiis na lang namin ‘yun, araw-araw na pumasok kami,” pagpapaliwanag ni Aling Aida.
Mahigit P800 lang daw kasi ang naiuuwing kita kada buwan ni Aling Aida bilang guro. Ang ibang pamilya naman, pangingisda lang ang karaniwang ikinabubuhay.
Para makatipid, ang ilang mga estudyante ay tinitiis na lamb maglakad sa mas patag na daan nang halos tatlong oras. Pero dahil mahaba-haba pa rin ang lakaran, ang pag-akyat sa bundok ang nakikita nilang shortcut.
Sa humigit kumulang 130 na mag-aaral sa Oro Elementary School at Oro National High School, tinatayang 30 estudyante ang buwis-buhay na umaakyat ng bundok para lang makapasok.
Kaya naman malaki na raw ang ibinaba ng populasyon ng eskwelahan. Dahil para sa iba, kung hindi man parusa ang pagpasok sa paaralan, bubutasin nito ang kanilang mga bulsa sa mahal ng pamasahe.
Ang head teacher ng Nabo National High School na si Wenchor, naiintindihan ang paghihirap ng mga estduyante. Naranasan din daw niyang umakyat noon ng bundok para lang makapasok.
Pero imbes na panghinaan ng loob, lalo nagsikap sa pag-aaral si Wenchor. Kinalaunan, nakapagtapos siya ng Bachelor of Arts in Education.
“Alam ko ‘yung hirap na pinagdaraan ng mga bata. Pero nakakatuwa ring malaman na, katulad nang naranasan ko noon, hindi nagiging hadlang sa kanila ang mga ganitong paghihirap para makapagpatuloy sila sa kanilang pag-aaral,” sabi pa ni Wenchor.
Plano ng gobyerno
Ipinarating ng KMJS sa Department of Education (DepEd) Region 9 ang sitwasyon ng mga batang nagbubuwis-buhay sa pagpasok sa eskuwelahan.
Batid na raw nila ang araw-araw na paghihirap ng ilang mga estudyante at guro rito. Sa katunayan, sinamahan pa ng kinatawan ng ahensiya ang ilan sa mga estudyante para lubos na maintindihan ang kanilang pinagdaraanan.
Suhestiyon ni Vicente Suarez II, Education Supervisor ng DepEd Dapitan, lagyan ng sementadong hagdan ang daang tinatahak ng mga estudyante paakyat ng Bundok Oro at pati na rin ang pampang.
Ipinaliwanag ni Suarez na mayroon na rin ganitong klaseng proyekto ang naipatayo sa bayan ng Linabo sa Dipolog City, Zamboanga del Norte. At ito raw ang pag-aaral ng ahensiya para makatulong sa mga mag-aaral ng Oro Elementary School at Oro National High School
Minsan nang nakilala ang Dapitan sa kasaysayan kung saan ipinatapon ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Sa Dapitan siya namalagi ng apat na taon at nagpraktis ng medisina, ipinagpatuloy ang pag-aaral sa agham, nagsulat, nag-aral ng ibang wika at kung ano-ano pa.
At tulad ng ating pambansang bayani, may mga kabataan ngayon sa Dapitan na hindi gagawing hadlang ang mga pagsubok para lamang pagyamanin ang kanilang kaalaman at piliting abutin ang pangarap sa buhay.---CARLO P. ISLA/BMS
More Videos
Most Popular