Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sa sabong ng mga litson manok, kanino ka tataya?


Mapanonood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.



Maituturing na isa sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino ang litson manok. Tila kasi naging alternatibo ito sa litson baboy – masarap pero hindi kasing mahal. At may okasyon man o wala, laman ito ng hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino.
 
Dekada ‘80 nang masasabing pumutok ang industriya ng litson manok sa Pilipinas. Simula noon, tila kabute nang nagsulputan ang mga litsunan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
 
Pero alin nga ba sa mga litson manok ang masasabing pinakamasarap para sa panlasa nating mga Pinoy? At ano nga ba ang batayan para masabing masarap ito?
 
Nito lamang Miyerkules, tinipon ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang tatlo sa masasabing pinakamalalaking kumpanya ng litson manok sa bansa para sa isang food battle. Sino nga ba ang mangunguna sa panlasa ng mga napiling hurado ng laban na ito?

 
Nangunguna sa industriya
 
Institusyon na sa larangan ng paglilitson ang Andok’s Manok. Isa kasi ito sa mga unang naitayong ihawan at tindahan ng litson manok noong pumutok ang craze para sa produkto. Sa katunayan, ang may-ari ng Andok’s na si Leonardo “Sandy” Javier Jr., ang binansagang Father of Litson Manok.
 
Kung nakilala sa pagnenegosyo si Sandy, kilala naman ang mga kapatid niya sa showbiz – ang komedyanteng si George Javier at ang singer at kompositor na si Danny Javier ng APO Hiking Society.
 
Nagsimula lamang daw ang Andok’s bilang isang ideya, nang mapansin ni Sandy na mali ang paraan ng paglilitson ng manok nang minsang mapadpad siya sa Pampanga.
 
Upang simulan ang negosyo, nangutang pa raw siya mula sa isang poultry ng isang dosenang manok. Dahil hindi naubos ang paninda sa una nilang pagtatangka, isang linggong inulam ng kaniyang pamilya ang mga natirang manok.
 
Pero hindi nawalan ng loob si Sandy. Patuloy niyang pinag-aralan ang tamang timpla ng litson manok hanggang nakuha na raw nila ang tamang lasa!
 
“The secret taste of Andok's is yung pinakalinamnam. 'Yung tamang-tamang pagluto, 'yun ang buong nagpapasarap sa lasa ng ating litson manok,” ayon kay Ted Calaunan, chief operating officer ng Andok’s Corporation.
 
At ito nga raw ang sikreto sa tagumpay ng kanilang kumpanya. Ngayon mayroon nang mahigit 400 branches ang Andok’s sa buong bansa!

 
Samantala, halos naging kasabayan ng pagsikat ng Andok’s ang pinakamahigpit nitong kalaban: ang Baliwag Lechon.
 
Hindi raw litson ang unang naging negosyo ng mag-asawang Dwight at Dolores Salcedo. Una raw silang sumabak sa pagpaparenta ng mga betamax tape at pag-o-operate ng mga pampasaherong bus.  Pero hindi raw sila pinalad at nalugi ang kanilang negosyo noong panahon ng Martial Law.
 
Taong 1985, gamit ang kanilang naipong P5,000 at karagdagang P5,000 na hiniram nila mula sa kanilang mga magulang, sinubukan nila ang paglilitson ng manok.
 
Dahil tubong Baliwag, Bulacan si Dolores, ito ang ipinangalan nila sa kanilang negosyo. Pero ang kauna-unahan nilang puwesto, itinayo nila sa Project 8, Quezon City.
 
Maituturing na family recipe ang kanilang litson manok. Itinimpla raw kasi ng pinsan ni Dolores ang marinade para sa litson, pati na ang mismong sawsawan o ang lechon sauce. Dumaan din daw sa metikulosong panlasa ng kaniyang mga kamag-anak ang kanilang timpla.
 
“We started with two outlets sa Quezon City until halos hanggang madaling araw may pumipila. Nakapanood ka na ba ng sine na sumikat nang mabuti, 'yung mga blockbuster, parang ganu’n. Hindi mo makikita 'yung dulo. So from morning ‘til evening, pinipilahan especially nung nakilala nila na masarap ang Baliwag litson manok,” ayon sa franchise director ng Baliwag na si Jeff Oreta.
       
Sa ngayon, aabot na sa mahigit 300 ang outlets ng Baliwag sa Luzon at sa Visayas.

 
Samantala, masasabing baguhan sa industriya ang Chooks-to-Go. Pero kung ang Andok’s at Baliwag, tanyag sa kani-kanilang sawsawan, ang Chooks-To-Go, hindi na raw kailangan ng sawsawan!
 
Pagmamalaki ng Chooks-to-Go na bagama’t baguhan lamang sila sa paglilitson, sila lang daw ang may sariling manukan! At mga manok na ito, hindi raw basta-basta, naka-aircon at pinaparinggan pa raw ng musika.
 
Ayon sa Marketing Head ng Chooks-to-Go na si Kathleen Gomez, aabot daw sa mahigit 200,000 manokang ipino-proseso nila araw-araw mula sa iba’t ibang farms nila sa buong bansa.
 
Bagamat maituturing daw silang baguhan sa paglilitson ng manok, may ibubuga na raw sila!
 
 
Chicken showdown
 
Sa isang sabungan sa Malabon, nagharap-harap ang mga kinatawan ng Andok’s, Baliwag at Chooks-to-Go para isang unofficial at friendly “food battle.”
 
Pero bago sinimulan ang laban, bumunot muna ang bawat isang kalahok ng kanilang magiging team number. Lahat din sila ay pinagsuot ng puti para walang palatandaan kung anong kumpanya ang kanilang kinakatawan.
 
Sa pagsisimula ng kanilang food battle, kaniya-kaniyang gimik ang bawat team. Fiesta ang gimik ng team number 1. Ang team number 2 naman, may pagbubuga pa ng apoy! At ang team number 3, nag-ala Ati-atihan!
 
May isang chopper at isang server lang ang bawat team na naiwan sa arena at may nakatoka sa kanilang mesa. Wala ring ihahaing sauce.
 
Pero sino nga ba ang nagsilbing hurado? Walang iba kung hindi ang mga matatawag na "expert" sa manok – ang mga sabungero! Tatlong grupo na kinabibilangan ng 10 sabungero ang nagsilbing “taster” at namili kung alin ang mananalo.

 
Pero bukod sa 30 sabungero, dalawang eksperto rin mula sa Animal Products Development Center (APDC) ang dumalo para sipatin ang kalidad ng mga litson manok.
 
“Ang i-che-check namin diyan ay ‘yung mga sensory attribute ng isang magandang litson manok katulad nga ng tenderness, juiciness saka ‘yung flavor niya at color,” ayon sa Head ng Quality Control Unit ng APDC na si Mestames Nenita Estande.
 
May katumbas na isang boto para sa pipiliin ng bawat isang sabungero. Samantala, ang boto ng eksperto ay katumbas ng sampung boto.
 
 
Ang hatol
 
Bago pumili ang mga hurado kung ano ang kanilang pinakanagustuhan, pinaalis muna ang mga kinatawan ng bawat kumpanya.
 
Dito na pinapila ang mga sabungero sa numerong kanilang napili. At ang resulta: 20 boto para sa Team 1, walong boto para sa Team 2, at dalawang boto para sa Team 3.
 
Panalo para sa mga sabungero ang Team 1.
 
Ang pinili naman ng eksperto? Team Number 1 din!

 
“Pinili namin ang number na 'to kasi ang lasa niya ay masarap. Just right lang  'yung kaniyang taste. ‘Yung (saltiness), hindi siya masyadong maalat at saka juicy siya, malinamnam at malambot. So parang for general consumers, very acceptable siya,” ayon kay Ms. Estande.
 
Ano nga bang litson ang kumakatawan sa Team 1?
 
Walang iba kundi ang Baliwag Lechon Manok!
 
“Pinagmamalaki lahat natin ang industry ng litson manok dito sa Pilipinas. Marami tayong natutulungan na mga tao at marami tayong napapakain na mga pamilya. (Sa mga) pagsasalo-salo, pagsasama-sama, litson manok ang kanilang kasama!” sabi ni Jeff Oreta, kinatawan ng Baliwag.

 
Ano naman kaya ang masasabi ng kanilang mga katunggali?
 
“Ang importante naman sa amin is mag-participate kami, makita ng mga mamamayan lahat ng mga main brand or major lechon manok brands ay nagkasama-sama sa isang lugar, so masaya 'yun para sa amin,” ayon kay Kathleen Gomez ng Chooks-to-Go.
 
"Gaya nga ng sinabi nila na maraming natutulungan (ang industriya) dahil sa lahat ng okasyon, talagang litson manok ang isa sa mga pangunahing handa ng ating kababayan,” sabi ni Teddy Calaunan ng Andok’s.
 
 
Sa linamnam at katas ng mga litson manok natin, kahit ano pa ang tatak, kahit saan pa galing, tiyak na panalo sa sarap! Wala nang kailangang pagtalunan pa!---Carlo Isla/BMS