Kaso ni Kian Loyd delos Santos, sisiyasatin sa 'Imbestigador'
“NANLABAN O PINATAY?”
ANG KOMPREHENSIBONG IMBESTIGASYON SA KASO NI KIAN LOYD DELOS SANTOS
Sa pagganap nina Jeric Gonzales, Hiro Peralta at Ricky Davao
September 9, Sabado ng hapon pagkatapos ng Wish Ko Lang.
Ito marahil sa ngayon ang pinaka-kontrobersiyal na kasong naugnay sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga - ang pagkamatay ng labing pitong taong gulang at Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos. Sa kanilang lugar sa Barangay 160 sa Caloocan City, natagpuan siyang nakasubsob sa gilid ng pader at may mga tama ng bala.
Sa mga litrato, may hawak siyang baril sa kaliwang kamay at may natagpuan din umanong dalawang pakete ng hinihinalang shabu sa tabi ng katawan ng binatilyo. Sa panig ng Caloocan Police, bumunot at nagpaputok umano ang binatilyo habang nagsasagawa sila ng Opan Galugad sa lugar. Dahil dito, gumanti raw ang isa sa mga pulis at pinaputukan si Kian na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Pero taliwas ang lumabas na kuwento ayon na rin sa pag-iimbestiga ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Ayon sa Public Attorney’s Office (PAO), base sa mga naging tama ng bala sa katawan ng biktima, malabo na siya ay tumakbo at nanlaban. Sa mismong paraffin test naman na isinagawa ng Philippine National Police (PNP), negatibo sa gunpowder nitrates ang binatilyo. At kamakailan lamang, inihayag na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng kanilang imbestigasyon na nagsabing maaaring itinanim lamang ang mga ebidensiyang nakita sa biktima. Dahil sa suot na pang-ibaba ni Kian, hindi raw posibleng magbitbit ang binatilyo ng baril at pakete ng shabu.
Marami pang ibang katanungan ang mabibigyang kasagutan sa ulat na ito. Sundan ang iba pang detalye sa komprehensibong pagsisiyasat kaugnay ng pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos. Nanlaban nga ba o sadyang pinatay ang binatilyo?
‘Wag palampasin ang IMBESTIGADOR ngayong September 9, Sabado ng hapon pagkatapos ng Wish Ko Lang sa GMA!