Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Isyu ng iligal na droga sa Pilipinas, sisiyasatin ng 'Brigada'


 


Sa mabilis na paggulong ng kampanya ng administrasyong Duterte kontra droga, walang dudang ramdam na ng mamamayan ang mga pagbabagong hatid ng nito. Pero habang tumatagal, unti-unting nauungkat ang maraming isyung kaugnay ng maruming kalakaran ng ipinagbabawal na gamot sa ating lipunan.

Sa pinakahuling datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, tinatayang 92% ng mga barangay sa Metro Manila ang apektado ng droga. Kaya naman hindi na kataka-takang maraming pamilyang Pilipino ang sangkot sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Bukod kasi sa natural na epekto ng pagkaadik hindi na makawala ang mga ito sa pagdepende sa droga lalo pa't tinatayang aabot sa 50 bilyong piso ang umiikot sa industriyang ito ayon sa Dangerous Drugs Board. Ilan pa ngang mga nakilala ni John Consulta na sangkot sa bentahan ng droga, pami-pamilya.

 


Paano nga ba lumaki ng ganito ang industriya ng droga sa bansa? Ayon sa mga aminadong tulak na nakapanayam ni Tina Panganiban-Perez, kahit pa mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pagpasok sa bansa ng mga raw materials sa paggawa ng droga, nagagawa pa ring mailusot ang mga ito sa pamamagitan ng iba't ibang mga paliparan at daungan sa bansa. At matapos na matagumpay na maipasok ito sa Pilipinas, iniluluto ang mga ito kung hindi sa mga maliliit na condo para hindi takaw timbog. Sa New Bilibid Prison pa mismo diumano ito pinoproseso na siya namang ibinabagsak at ipinakakalat sa mga barangay at kung minsan daw, ine-export sa ibang bansa.

Kaya naman bukod sa mga tulak ng drogang maya't mayang itinutumba, punterya ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga protektor ng mga drug lord na matatagpuan daw mismo sa hanay ng pulisya at mga lokal na pamahalaan. Hindi nga raw magtatagal at papangalanan na ang hindi bababa sa dalawampu't tatlong mga alkalde sa bansa na sangkot diumano sa bentahan ng ilegal na droga base na rin sa impormanteng nakausap ni Raffy Tima. Mula nga raw 2013 hanggang Hunyo 2016, umabot sa halos 196 ang mga pulitiko at 283 na mga empleyado ng gobyerno ang naaresto dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ayon sa PDEA. At sa mga susunod na araw, inaasahang madaragdagan pa ang bilang nito bunsod na rin ng all-out war ng gobyerno ngayon kontra droga.

Tags: drugs, duterte, plug