Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Biyaheng Totoo sa Compostella Valley: Larawan ng pag-asa ng senior citizens




Ang Compostella Valley ang nangunguna sa mga probinsyang halos walang naipararating na benepisyong pangkalusugan sa matatanda.



Sa Biyaheng Totoo ni Sandra Aguinaldo rito, nakilala niya si Lolo Inggo, isang senior citizen na inabandona na nga ng sariling pamilya, pinangingilagan pa ng mga kapitbahay dahil marahil ay positibo sa sakit na Tuberculosis.
 

Ayon kay Lolo Inggo, hindi na raw niya inaasahan ang kanyang mga anak. “25 taon na [silang] hindi nagpapakita,” dagdag niya.
 

Sa kasalukuyan, wala siyang iniinom na gamot para sa kanyang sakit.



Walang anak, walang asawa, at wala ring trabaho kaya walang pera si Lolo Inggo. Upang mabuhay, nag-iigib daw siya ng tubig. At kapag walang nagbigay sa kanyang ng pagkain, siguradong gutom ang kanyang aabutin.



Dahil hindi rin rehistradong senior citizen si Lolo Inggo, hindi siya nakatatanggap ng mga benepisyo mula sa gobyerno tulad ng libreng serbisyong pangkalusugan, Philhealth coverage, pensyon, at exemption sa mga gamot.



Hindi marunong magsulat si Lolo Inggo ngunit nakitang sabik siyang iparating sa mga kinauukulan ang mga problemang nais niyang masolusyunan, kaya't inilarawan niya ang mga ito.

At para kay Lolo Inggo, ang mga sumusunod ang nais niyang maibigay ng mga uupo sa puwesto matapos ang eleksyon sa mga tulad niyang senior citizen:

Gamot, pagkain, at pangkabuhayan.

Dahil sa huli, saan nga naman daw tatakbo si Lolo Inggo kung hindi pa rin maaasahan pati na ang gobyerno ng sariling bansa?

Ria Landingin/CM, GMA News

Biyaheng Totoo 2013 is a thematic special report series of GMA News and Public Affairs, featuring the provinces with the worst conditions for the nine poorest sectors identified by the National Statistical Coordination Board (NSCB).