Isang 16-anyos na tulak umano ng droga sa Quezon City ang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang ina at sa sanggol sa sinapupunan nito, na barilin ng shotgun at pinagtataga pa. Ang hinihinalang ugat ng krimen, kulang ng P400 ang ibinayad ng kinakasama ng biktima sa kinuhang droga.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, itinuro ng nakaligtas na si Mark James Mendevilla, ang menor de edad bilang suspek sa pagpatay sa kaniyang kinakasama na siyam na buwang buntis na si Jizelle Duay.
Nasawi rin sa pamamaril ang sanggol sa sinapupunan ni Duay.
Nangyari ang krimen noong Miyerkules ng gabi sa isang kalye sa Barangay Payatas sa Quezon City.
Dahil sa tinamong sugat ni Mendevilla sa naturang pag-atake, hindi siya makapagsalita kaya ipinasulat na lang ng imbestigador ang mga impormasyon na nais ibigay.
Ayon kay Mendevilla, may dalawa pa raw kasama ang menor de edad nang barilin sila ng kaniyang kinakasama.
Naniniwala siya na nag-ugat ang krimen dahil kulang umano ng P400 ang ibinayad niya sa biniling droga sa mga suspek.
Habang nagtatago ang menor de edad na suspek, nakakulong naman ang ina nito dahil din umano sa pagtutulak ng iligal na droga.
Nitong Biyernes ng hapon, hinarap ng ina ni Duay ang ina ng suspek upang hikayatin na ituro ang kinaroroonan ng anak.
Gayunman, hindi naniniwala ang ina ng menor de edad na sangkot sa krimen ang kaniyang anak.
At bagaman inamin niyang gumagamit ng droga ang anak, hindi siya naniniwalang nagtutulak ito ng droga.
Sasampahan ng reklamong murder, frustrated murder at unintentional abortion ang menor de edad na suspek. -- FRJ, GMA News