Dahil sa pansamantalang pagpapasara sa Payatas dumpsite, dalawang araw nang nakatambak at nakakalat ang mga basura sa ilang bahagi ng Quezon City.
Kailangan pa munang aprubahan ng Department of Environment and Natural Resources ang muling operasyon ng Payatas, ngunit posibleng mananatiling sarado ang dumpsite ngayong taon.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa "Saksi" noong Biyernes, isa ang Scout Fuentebella sa Quezon City na dalawang araw nang nakararanas ng masangsang na amoy ng mga 'di nakolektang basura.
Nag-alala ang residenteng si Marjorie Hermosada na baka raw maapektuhan nito ang mga naglalarong bata sa lugar.
"Kailangan na pong tanggalin ito eh. Kasi 'yung mga bata naman, dito minsan naglalaro, maya't maya nga po nandito na 'yung mga bata, naglalaro."
Samantalang hindi naman inaasahan ng ilang residente ng Barangay Bagong Lipunan, Quezon City, na hindi makararating sa schedule ng hakot ang mga dump truck nitong Biyernes upang kolektahin sana ang mga inilabas nilang plastic ng basura sa tapat ng kanilang bahay.
"Saan naman po natin itatapon ang mga basura natin? Saan nila dadalhin 'yan?" saad ng isang residente.
"Mangangamoy po 'yung basura namin 'pag hindi po kinuha, kasi nakaschedule na po sana 'yun. Dapat nagsabi sila kung kailan para hindi kami naglalabas ng basura," ayon sa isa pang residente.
Inihayag ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na una nang nagbigay ang DENR ng notice noong Hulyo 28 na ipinapasara ang Payatas dumpsite.
"Nu'ng July 28, pinahinto ito ng MMDA, pero continuous pa rin 'yung tapon namin no'n dahil wala pa 'yung official order. But until I think two days ago, sinabi na nahinto na talaga."
Ngunit muli nang nakakakolekta ang Quezon City ng basura, dahil nakakapagtapon na sa Rodriguez Rizal at sa lungsod ng Maynila.
"Sinasabi ng ADB sa Quezon City Government na kailangang isara na 'yung Payatas dumpsite na 'yon, 'yung controlled sanitary landfill na 'yon by the end of this year, December," pahayag ni Bautista. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News