Filtered By: Topstories
News

PNoy wala pang napipiling kapalit ni DOT Sec Bert Lim


MANILA – Wala pa umanong napipili si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ng kapalit sa nagbitiw na kalihim ng Department of Tourism na si Alberto Lim, ayon sa isang opisyal sa Malacanang nitong Sabado. “Give a little bit more time for the President to make his choice… As soon as the President makes a decision we will be able to announce it," pahayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa panayam ng state-run dzRB radio. Ipinaalam ni Lim ang kanyang pagbibitiw nitong Biyernes. Pero epektibo ang kanyang pag-alis sa puwesto sa katapusan ng Agosto. Personal na dahilan ang ikinatwiran ni Lim sa kanyang pag-alis sa pamahalaan. Gayunman, inamin nito na naapektuhan siya ng mga paninira umano sa kanya. Nabalot ng mga kontrobersiya ang mahigit isang taong panunungkulan ni Lim sa DOT. Kabilang na dito ang madugong hostage drama sa Manila noong Agosto 2010 kung saan walong Hong Kong tourists ang nasawi. Inulan din ng batikos ang inilunsad niyang campaign slogan na Pilipinas Kay Ganda, at maging ang pagsuporta niya na magpatupad ng Open Skies Policy sa piling mga lugar.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Gayunman, tiniyak ni Valte na mahusay at kuwalipikado ang itatalaga ni Aquino na kapalit ni Lim para lalo pang mapalakas ang turismo ng bansa. “Yung sinabi nga ho ni Secretary Lim kahapon, the work is institutionalized," aniya Valte. “So whether the secretary is there or not, tuloy po ‘yung trabaho and the programs will certainly be continued." Kabilang sa mga pangalan na lumutang na pinagpipilian umano na ipapalit kay Lim ay ang advertising executive na si Ramon Jimenez, talent manager na si Eugenio “Boy" Abunda Jr., at dating mambabatas na sina Theresita Hontiveros-Baraquel at Rozzano Rufino Biazon. Nagkakaisa naman sina Reps Bem Noel (An Waray), Sonny Angara (Aurora) at dating party-list Rep Mujiv Hataman at TESDA Director General Joel Villanueva, na makabubuti sa industriya ng turismo ang “fresh blood" at agresibo sa pagsusulong ng mga programa. “I’ll go for my kababayan na si Boy (Abunda)," ani Noel. Kilala umano niya si Abunda na masugid na sumusuporta sa mga programa tungkol sa turismo. Naninimbang naman si Hataman para kina Abunda at Hontiveros, na kapwa umano kuwalipikado sa naturang puwesto. Samantala, iginagalang naman daw ng Malacanang ang pananaw ni dating Tourism sec at dating senador na si Richard Gordon, na masamang senyales ang pagbibitiw ni Lim. “Siguro po opinyon na po niya ‘yun. We are not reading too much into what has happened. We believe Secretary Lim when he says that he wants to spend more time with his family and that is basically understandable," ayon kay Valte. Idinagdag niya na ikinagulat din ng ilang kalihim ang biglang pagbibitiw sa puwesto ni Lim. Si Lim ang ikalawang kalihim sa Gabinete ni Aquino na nagbitiw. Una rito si dating Transportation and Communication (DOTC) Ping De Jesus, na pinalitan ni Sec Mar Roxas.