Filtered By: Topstories
News

Sec Abad kinalampag sa ‘di pag-release ng pork barrel funds


MANILA – Binatikos ng oposisyon si Budget Secretary Florencio “Butch" Abad dahil sa patuloy na pagkaantala umano sa pagpapalabas ng priority development assistance funds (PDAF) o “pork barrel" ng mga kongresista para sa unang bahagi ng 2011. Puna ni House Deputy Minority Leader Rep. Marc Douglas Cagas IV (Davao del Sur), tila hindi umano natutupad ang pangako na ipagkakaloob ang naturang pondo sa lahat ng mga mambabatas kahit ano pa ang partido na kanilang kinaaniban. Dagdag pa nito, noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga, naibibigay umano sa mga mambabatas ang kanilang PDAF sa tamang oras. “Before, we have funding that we bring to our constituents before Congress goes on recess," reklamo ni Cagas. Nagbukas ang sesyon ng Kongreso nitong Mayo 9 mula sa mahigit isang buwang bakas. Iginiit ni Cagas, na kailangan sa kanilang mga distrito ang pondo lalo na ngayon sa mga lalawigan na sinalanta ng bagyong “Bebeng," partikular sa Bicol region at Eastern Visayas. “Until now PDAF is not yet released. With the typhoons, we need the PDAF for purchase of medicines, rice. The barangay kagawads are asking for barangay halls, classrooms. I cannot give them anything because I am yet to get a PDAF," ayon kay Cagas. Nakapaloob sa ipinasang 2011 budget ng pamahalaan ang tig-P70 milyon pork barrel sa mga kongresista, at tig-P200 milyon naman sa mga senador. Inihayag naman ni House Minority Leader Rep. Edcel Lagman (Albay), na walang dahilan para maantala ang pagpapalabas ng PDAF dahil maaagang naaprubahan ng Kongreso ang 2011 budget. “The GAA (General Appropriation Act) was signed before the end of 2010. It is expected that the releases should be done because it is needed by the implementing agencies, the districts and the constituencies," ayon sa kongresista. “We approved the budget early enough. Masyadong late na," dagdag pa ni Lagman. Hinihinala ni Lagman na isinasakripisyo ang PDAF para mapaliit ang fiscal deficit at palitawin na maganda ang ekonomiya ng bansa. Una rito, sinabi ni Abad na umabot na sa P800 bilyon o halos kalahati ng kabuuang P1.645 trilyong pondo ng pamahalaan ngayong 2011 ang naipalabas sa unang bahagi ng taon. - GMA News