PostScript: Pananagutan sa kapwa
January 20, 2015 6:30am
Walang duda, marami sa atin ang bumait dahil inspirado ni Pope Francis. Marami ang mas tumibay ang pananampalataya.
 
Pero ang hamon sa marami sa atin: Huwag makalimutan ang mga mensaheng iniwan niya. Kung gaano kasidhi ang nadama natin matapos makita si Pope Francis at mapakinggan, sana gano'n din ang pagsisikap para isabuhay ang mga itinuro o ipinaalala niya sa atin. Lalo na ang pagtulong sa higit na nakararami nating mga kababayan—ang mga kapus-palad.
 
Kung tutuusin nga, hindi na tayo dapat pang paalalahanan o himukin para dito. Sa ating mga komunidad, sa ating mga lansangan, kitang-kita naman natin ang realidad araw-araw—mga batang namamalimos, napapabayaan. Mga milyon-milyon na walang hanapbuhay, nagugutom.
 
Sa lahat ng mga napakagandang mga awiting narinig ko sa mga misa at pagtitipon ni Pope Francis, may isang nagmarka at tumatak sa akin. Lumang kanta po ito pero saktong-sakto ika nga sa pinakaimportanteng pangaral sa atin ng Santo Papa—ang kantang "Pananagutan."
 
Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan, sa isa't isa.

Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus