PNoy: Masayang-masaya si Pope Francis sa pagbisita sa Pilipinas
January 19, 2015 3:04pm
Kasabay ng pangunguna sa mga personal na nagpaalam sa Santo Papa sa pag-alis niya sa Pilipinos nitong Lunes, inilahad rin ni Pangulong Benigno Aquino III na masayang-masaya raw si Pope Francis sa mainit na pagtanggap at pagmamahal na natanggap niya sa limang araw niyang pagbisita sa bansa.
 
 
 
Sa isang panayam kay Jessica Soho ng GMA News, sinabi ni Aquino, "[Nagsabi siya tungkol sa] pagmamahal na nadama niya dito sa buong biyahe."
 
Nang tanungin kung mayroon ba siyang personal na intensyon nang makasaluha ang Santo Papa sa pagbisita nito, aniya,  "Inuna ko muna siyempre 'yung sa bayan."
 
Hindi naman raw sigurado si Aquino kung kailan makakabalik ang tinaguriang People's Pope sa bansa. "Hindi ko na natanong kung kailan babalik. Klaro naman na napagod siya doon sa buong biyaheng ito."
 
Bilang pinuno ng Vatican at ng Simbahang Katoliko, kabilang sa mga nagpaalam sa Santo Papa ang ilan sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas at pinuno ng simbahan na kaakibat rin sa paghahanda para sa kanyang pagbisita sa bansa.
 
Para sa Malacañang, matagumpay at makabuluhan ang naging pagbisita ni Pope Francis.
 
Ipinahayag ni presidential spokesman Secretary Edwin Lacierda nitong Lunes na malaking bahagi ng naturang tagumpay ay dahil sa ipinakitang disiplina ng sambayanang Pilipino sa nagdaang limang araw.
 
Aniya, “In all the Pope’s events, the Filipino people demonstrated warmth, discipline, and faith, making Pope Francis’ visit truly meaningful and successful. Without doubt, on this occasion, the Filipino people once more showed what could be achieved when we work towards a unified endeavor,”
 
‘A miracle in itself’
 
Sa isang press conference makaraan ang paglipad ng Santo Papa pabalik sa Roma, sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang matagumpay na pagbisita ni Pope Francis sa bansa ay maituturing na isang himala.
 
"[It was] an act of communion, an act of solidarity, and it is a miracle in itself. Thanks to God and thanks to everyone, we were able to show to the world that it is possible, [that] communication, cooperation, and collaboration are not just ideas," paliwanang niya.
 
Nagpasalamat naman si Archbishop Guiseppe Pinto, apostolic nuncio to the Philippines, sa mga Pilipino. "Thank you, in the name of Pope Francis.”
 
Kinumpirma rin ni Tagle na inimbitahan muli ang Santo Papa sa 51st International Eucharistic Congress na magaganap naman sa Cebu sa susunod na taon.
 
"Siguro gusto muna niya ay umuwi sa Roma at doon pag-isipan," ayon kay Tagle.
 
 
Maraming naranasan ang Santo Papa sa unang pagkakataon sa pagbisita niya sa bansa. Gayundin, marami siyang markang historikal na naiwan sa Pilipinas, ang bansang pangatlo sa may pinakamaraming Katoliko sa buong mundo.
 
Ayon sa ilang opisyal ng simbahan, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsuot ng raincoat si Pope Francis habang nagdaraos ng misa.
 
Inilahad rin ni Vatican spokesperson Father Federico Lombardi na ang misang idinaos sa Quirino Grandstand sa ilalim ng ulan ay maaaring ang pinakamalaking pagtitipon sa kasaysayan ng mga naging Santo Papa. Tinatayang anim hanggang pitong milyong tao ang dumalo sa nasabing misa, ayon sa tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas. http://www.gmanetwork.com/news/popefrancis/story/409941/pope-francis-luneta-mass-drew-record-crowd-of-6-7-million-vatican
 
"We are not able to count all these people, obviously, or to verify this, but in any case, we have seen so many people that we believe that it is possible. If this is true, and we think it is, this is the largest event in the history of the popes," ani Lombardi.
 
Bago ang pagbisita ni Pope Francis, nakapagtaya ng pinakamalaking papal crowd ang mga dumalo sa misa ni Saint John Paul II sa Quirino Grandstand noong 1995 para sa World Youth Day.
 
Pamamaalam ng sambayanan
 
Dumating ang Santo Papa sa Villamor Air Base nitong Lunes, 9:30 ng umaga. Binasbasan niya sa huling pagkakataon ang mga taong nag-aabang sa kanyang daraanan mula sa Apostolic Nunciature sa Maynila papunta sa airbase. 
 
Matapos ang sandaling pagtigil sa Kalayaan Lounge, nagtungo na si Pope Francis kasama si Aquino tarmak ng airbase kung saan naroon ang Philippine Airlines Airbus 340, o Shepherd One, na magdadala sa kanya sa Roma.
 
Higit sa 700 dating batang lansangan na nasa ilalim ng pangangalaga ng  Department of Social Welfare and Development ang nag-abang upang makapagpaalam sa Santo Papa. Naroon din ang isang drum-and-lyre band upang ipagdasal ang matiwasay na paglipad ni Pope Francis na aabutin ng 13 oras. 
 
Kabilang sa personal na nagpaalam sa Santo Papa sa ngalan ng Pilipinas ang Cabinet secretaries ni Aquino at si Bise Presidente Jejomar Binay.
 
Naroon din ang ilang miyembro ng  papal visit organizing committee, kabilang na si Pasig Bishop Mylo Vergara,  Balanga Bishop Ruperto Santos, at Fr. Rufino Sescon.
 
Sinamahan nina Aquino at Tagle ang Santo Papa paakyat sa eroplano, kasama sina Apostolic Nuncio Guiseppe Pinto at Archbishop Socrates Villegas.
 
Nakasakay si Pope Francis sa eroplano bandang 9:49 ng umaga habang inaawit ng mga tao ang "Tell the World of His Love," "We Are All God's Children," at “Only Selfless Love." 

Nakitang kumakaway pa mula sa loob ng eroplano ang Santo Papa. Lumipad ito bandang 10:12 ng umaga, kaunting minutong huli sa nakatakdang pag-alis na 10:00 ng umaga. 
 
Walang 'papal plane'
 
Habang naglalakad papunta sa tarmak, nakita si Pope Francis na bitbit ang sarili niyang bag, isang itim na leather satchel, kagaya ng nakagawian.
 
Isa pang tradisyon mula sa mga naunang Santo Papa ang paglipad pabalik sa Roma lulan ng flag carrier ng bansang binisita.
 
Ayon na rin sa nakagawian, lilipad ang Santo Papa papunta sa bansang bibisitahin sakay ng eroplano mula sa Vatican-- ang Italian carrier na Alitalia. Babalik naman siya sa Roma sakay ang national airline ng kanyang bansang binisita.
 
Ayon kay Vatican reporter John Allen, walang bersyon ng Air Force One ang Vatican, at maaaring hindi rin tamang tawagin “Shepherd One” ang eroplanong sinakyan ni Pope Francis dahil isa lamang raw ito sa mga normal na pampasaherong eroplano na nagkataong ginamit ng Santo Papa pabalik sa Roma. 
 
Simpleng pagbisita
 
Marami ang nagsasabing ang pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas ay isang pagpapamalas ng kababaang-loob na siyang turo rin ng tinaguriang “People's Pope.”
 
Bago ang kanyang pagdating noong Huwebes, hiniling ng Vatican na gawing simple ang paghahanda para sa kanyang pagbisita habang sinisuguro pa rin ang kaligtasan ng Santo Papa.
 
Sinunod rin ang bukas na Popemobile na nais ni Pope Francis. Tatlong Popemobile ang ginamit sa kabuuan ng kanyang pagbisita, isa na rito ang hiniram mula sa pagbisita niya sa South Korea.
 
Ipinatanggal din ang ilang welcome tarpaulins ayon na rin sa hiling ng Santo Papa.
 
Sa mga papal events, nakita si Pope Francis na nakasuot ng simpleng putting sutana. Dahil sa pabugso-bugsong pag-ulan, nakiisa rin ang Santo Papa sa pagsusuot ng kapote, partikular na sa Tacloban at Palo sa Leyte, kagaya ng mga taong nag-aabang at naghihintay sa kanya. Bianca Rose Dabu/NB, GMA News
 

Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus