Filtered By: Topstories
News

Wala sa schedule: Street children, surpresang binisita ni Pope Francis


Wala sa listahan ng kaniyang mga lakad nitong Biyernes, surpresang binisita ni Pope Francis ang isang organisasyon na kumukupkop sa mga batang lansangan sa Maynila.

Saad sa Twitter post ng dzBB radio: #BlessedByThePope: Pope Francis visited street children after his mass in Manila.


Sa artikulong nakalagay sa website ng Veritas Radio,  sinabing matapos ang misang isinagawa sa Manila Cathedral sa Intramuros, sa halip na bumalik na sa tinutuluyan niyang Apostolic Nunciature sa Taft Avenue ay dumiretso muna ang Santo Papa sa Tulay ng Kabataan (TNK) Foundation, isang organisasyon na tumutulong sa mga batang lansangan na nasa Intramuros din.

Kasama umano ni Pope Francis sa pagbisita sa mga bata si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.



Kilala ang Santo Papa na malapit sa mga bata, gayundin sa pagsisingit ng mga aktibidad sa kaniyang opisyal na lakad o biyahe.

Sa ikalawang araw niya sa Pilipinas, ang mga nakatala sa kaniyang opisyal na lakad nitong Biyernes ay ang courtesy call sa Malacañang, misa sa Manila Cathedral, at pagtitipon sa MOA Arena.

Sadya raw hindi ipinaalam sa media ang naturang pagbisita ni Pope Francis.

Sa ulat ng late night news Saksi, sinabing tuwang-tuwa ang mga bata nang makita ang Santo Papa, na magiliw na nakisalamuha sa mga ito. -- FRJ, GMA News