Filtered By: Topstories
News

Mabuhay! Pope Francis, matiwasay na nakarating sa bansa


Sinabayan ng malakas na bugso ng hangin ang mainit na pagsalubong ng mga Pilipino sa pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas nitong Huwebes ng hapon.
 
Lumapag sa Villamor Air Base sa Pasay City dakong 5:32 p.m. ang eroplanong sinakyan ni Pope Francis mula sa Sri Lanka. Kasamang nag-abang sa paliparan ang may 1,500 kabataang mag-aaral.

PHOTO GALLERY: Pope Francis arrives in the Philippines

Si Archbishop Giuseppe Pinto, apostolic nuncio, ang unang umakyat sa eroplano upang sunduin ang Santo Papa.  Pagbungad ni Pope Francis sa pintuan ng eroplano, isang malakas na bugso ng hangin ang nagpalipad sa kaniyang zucchetto' o 'papal cap.'



Sa ibaba ng eroplano, sinalubong siya ni Pangulong Benigno Aquino III, at ilang kasapi ng Gabinete at kinatawan ng Simbahang Katoliko.
 
Sa ulat ng GMA News, sinabing nasunod ang protocol o inihandang patakaran sa pagsalubong kay Pope Francis.
 
Ang maayos na pagsalubong kay Pope Francis nitong Huwebes ay malayo sa nangyaring pagsalubong sa paliparan nang bumisita noong 1970 si Pope John Paul VI.
 
Isang lalaki na Bolivian national na nagbihis pari at armado ng patalim ang nakalapit kay Pope John Paul VI. Naagapan naman ng mga security personnel ang lalaki kaya nabigo itong maisagawa ang masamang balak sa bumibisitang Santo Papa.
 
"Welcome Party, Greeters"

Matapos batiin ni Pangulong Aquino, iniabot naman ng mga batang sina Lanie Ortillo, 9-anyos at Mark Angelo Balbero,10-anyos, ang bugkos ng bulaklak kay Pope Francis.
 
Sina Ortillo at Balbero ay mga nawalan ng magulang dahil sa nangyaring kalamidad sa bansa.
 
Sumunod nito ang pagsalubong ng mga kasapi ng Gabinete ni Aquino na sina:

1. Vice President Jejomar C. Binay
2. Executive Secretary Paquito N. Ochoa
3. Foreign Affairs Secretary Albert F. Del Rosario
4. Finance Secretary Cesar V. Purisima
5. Justice Leila De Lima
6. Public Works Secretary Rogelio L. Singson
7. Education Secretary Armin A. Luistro
8. Defense Secretary Voltaire T. Gazmin
9. Interior Secretary Manuel A. Roxas II
10. Transportation Secretary Joseph Emilio A. Abaya
11. Budget Secretary Florencio B. Abad
12. Socio-Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan

Ang mga kinatawan naman ng Simbahang Katolika ay sina:

1. His Eminence Orlando B. Cardinal Quevedo, O.M.I., Archbishop of Cotabato
2. His Excellency Most Rev. Antonio J. Ledesma S.J., Archbishop of Cagayan de Oro
3. His Excellency Most Rev. Romulo G. Valles, Archbishop of Davao
4. His Excellency Most Rev. Sofronio A. Bancud, S.S.S, Bishop of Cabanatuan
5. His Excellency Most Rev. Rodolfo F. Beltran, Bishop of San Fernando De La Union
6. His Excellency Most Rev. Jose A. Cabantan, Bishop of Malaybalay
7. His Excellency Most Rev. Bernardino C. Cortez, Prelate of Infanta
8. His Excellency Most Rev. Gilbert A. Garcera, Bishop of Daet
9. His Excellency Most Rev. Angelito R. Lampon, O.M. . Vicar Apostolic Of Jolo
10. His Excellency Most Rev Emilio Z. Marquez, Bishop of Lucena
11. His Excellency Most Rev. Jesse E. Mercado
12. Rev. Fr. Marvin S. Mejia, Secretary General of the Catholic Bishops Conference of the Philippines


Inihatid hanggang Apostolic Nunciature
 
Mula sa Villamor Air Base, inihatid si Pope Francis ng mga tao na nakahilera sa tabi ng kalsada na dinaanan ng kaniyang "pope mobile." Ilang minutong naglakbay ang motorcade patungo sa Apostolic Nunciature sa Taft Avenue na tutuluyan ng Santo Papa.

Habang bumibiyahe ang "pope mobile," tila walang pagod ang Santo Papa sa pagkaway sa libu-libong tao sa kalye hanggang sa makarating sa Apostolic Nunciature, ang nagsisilbing embahada ng Vatican sa Pilipinas.
 
Bago dumating sa bansa, nanggaling muna si Pope Francis sa Sri Lanka para sa canonization ceremony ng kauna-unahan nilang santo na si Joseph Vaz.
 
Pinili ni Pope Francis na sumakay sa Sri Lankan Airlines na maghahatid sa kaniya sa Pilipinas sa halip na ang Italian carrier na Alitalia.

Noong nakaraang taon, bumiyahe rin sa Asya si Pope Francis nang bumisita ito sa South Korea.

Mga aktibidad ng Papa

Sa Biyernes ng umaga, January 16, nakatakdang pumunta si Pope Francis sa Malacañang upang mag-courtesy call kay Pangulong Aquino. Susundan ito ng misa sa Manila Cathedral sa Intramuros, at pagtitipon kasama ang ilang piling pamilya sa Mall of Asia.
 
Sa Sabado, January 17, lilipad ang Santo Papa patungong Leyte para magsagawa ng misa doon at makasalamuha ang ilang biktima ng kalamidad, partikular ang mga nakaligtas sa bagyong "Yolanda."
 
Sa Linggo, January 18, isang malaking misa ang inihanda sa Luneta, at makikipag-ugnayan din siya sa mga religious leader at sektor ng kabataan sa University of Sto Tomas.
 
Sa Lunes ng umaga, January 19, magkakaroon ng departure ceremony sa Villamor Ai Base para sa pag-alis ng Santo Papa sa bansa upang bumalik na sa Roma. -- FRJimenez, GMA News