Filtered By: Sports
Sports

Manny Pacquiao, tumatanaw pa rin ng utang na loob sa pamilyang unang kumupkop sa kaniya sa Maynila


Kahit sikat na sa buong mundo, hindi nakalilimot si Pambansang Kamao sa kaniyang pinanggalingan.
 
Matapos ang kaniyang panalo nitong Linggo kay Chris Algieri, nagsalita si Pacquiao sa isang bible study, kung saan pinasalamatan niya ang mga taong tumulong sa kaniya.
 
Kabilang sa kaniyang mga pinasalamatan ang pamilyang unang kumupkop sa kaniya noong bagong salta pa lamang siya sa Metro Manila.
 
Ayon sa ulat ni Sarah Hilomen-Velasco sa Balitanghali nitong Lunes, emosyonal na nagbalik-tanaw si Pacquiao sa mga panahong nagsisimula pa lamang siya bilang isang boksingero.
 
 
Taong 1993 nang mapadpad siya sa Malabon, at doon mayroong carinderia si Corazon Florentino malapit sa gym kung saan nagsasanay si Manny.
 
Dahil walang kakilala sa Maynila si Pacman, kinupkop siya ng pamilya Florentino at itinuring na bahagi ng kanilang pamilya.
 
Kwento pa ni Manny, “Nagkasakit ako. Mamamatay na ako. Buto-buto na ako kasi nagka-typhoid fever ako. Na-ospital ako at sila ang tumulong sa akin... Pati ang bill sa ospital, gastos din nila.”
 
Napaluha naman ang pamilya ni Aling Corazon dahil sa pasasalamat na ipinapakita ng Pambansang Kamao. 
 
“Naiyak lang kami doon sa naalala niya pa kasi sa tagal ba naman ng panahon, hindi ko akalaing maaalala niya pa 'yun.”
 
Ayon naman kay Pacquiao, bukod sa matinding pagsasanay at dedikasyon, susi rin sa kanyang tagumpay ang pagtanaw ng utang na loob.
 
Kasama ang pamilya Florentino sa mga nilibre ni Manny papuntang Macau upang makanood ng laban niya kontra kay Algieri, patunay na tuloy ang pagsukli ni Manny sa kabutihan ginawa sa kaniya noon.
 
"Mabait talaga 'yan. Hindi nakakalimot," ani Corazon. "Marami na ngang naitulong sa akin 'yan, nahihiya na nga ako." — Bianca Rose Dabu/JST, GMA News