Filtered By: Newstv
NewsTV

Isang dalagang tumutulong sa mga kapus-palad na matatanda, kikilalanin sa 'Reel Time'


 


REEL TIME PRESENTS BITUIN SA LUPA
 
Kung may magagawa ka para mabago ang isa, kahit hindi mo mababago ang lahat, gagawin mo pa rin ba?

‘Yan ang isa sa mga tanong na kinailangan umanong sagutin ni Bennie Sanchez sa kaniyang sarili pagkatapos mabasa ang sanaysay na pinamagatang “The Star Thrower”. Sa kuwento, may isang batang matiyagang ibinabalik ang mga starfish na nakita niya sa dalampasigan. Ayon sa bata, kahit hindi niya maibalik ang lahat ng starfish sa tubig, ang mahalaga, mabibigyan niya ng pag-asang mabuhay ang isa.

Hindi raw maipaliwanag ni Bennie ang kaniyang nararamdaman sa tuwing makakakita ng matatandang namamalimos, palabuy-laboy, o abandonado sa kalsada. Ayon sa kaniya, hindi niya matiis na hindi tulungan ang mga nakikita niyang matatanda. Tulad ng bata sa sanaysay, inisip ni Bennie na masaya na siyang makapagbago ng buhay kahit ng isang tao lang.

Sa ngayon, may mahigit limang lolo at lola siyang regular na dinadalaw at tinutulungan. Tulad ni Lola Anastacia, 59 anyos. Tubong Cebu si Lola Anastacia at napadpad siya sa Cavite upang magtrabaho. Nang magkasakit at halos wala nang lakas, para umano siyang pusang itinapon ng kaniyang amo. Natagpuan siya ni Bennie sa kaawa-awang kalagayan sa kalye. Mula nang makilala si Lola Anastacia, regular na siyang dinadalhan ni Bennie ng pagkain.

Noong una, pansamantalang pinatutuloy ni Bennie ang mga matatanda sa kaniyang tahanan hanggang sa kunin ito ng DSWD o hanggang matagpuan ang mga kamag-anak. Ngunit pinagbawalan na si Bennie ng ahensiya dahil marami umanong legal na implikasyon ang pagkupkop sa mga matatandang palaboy.

Sinubukan naman ni Bennie na magparehistro bilang isang foundation ngunit wala siyang opisina at sapat na pondo na kinakailangan upang maaprubahan ang kaniyang aplikasyon. Pero sa kabila ng mga balakid, patuloy si Bennie sa pagtulong sa mga matatanda. Patuloy siyang nagbibigay ng liwanag sa mala-takipsilim na panahon ng mga matatanda, na tila isang bituin sa dilim.

Ikaw Kapuso, sa anong paraan nagniningning ang iyong bituin? Sama-sama nating pagnilayan sa Sabado, 9:15 ng gabi sa Reel Time Presents Bituin sa Lupa sa GMA News TV.