PHOTO ESSAY: Batang Karbon
Sa mahigit 215 milyong kabataang biktima ng child labor sa buong mundo, 5.5 milyon ang mga batang Pilipino, ayon sa datos ng International Labor Organization. Kabilang na rito ang mga batang Aberlen, isang tribo ng mga Aeta sa Sitio Tangan-tangan, San Jose, Tarlac. Dahil sa kahirapan, napipilitan ang mga batang ito na magluto ng uling upang makamit ang pangarap na makapag-aral.
Naipasa na sa mga henerasyon ng tribong Aberlen ang trabahong pag-uuling. Wala na rin kasing ibang alam na trabaho ang mga residente rito dahil marami sa kanila ang hindi nakapag-aral. Ito na rin ang dahilan kung bakit hindi maipagbawal ng lokal na pamahalaan ang nangyayaring child labor sa tribo.
Hindi biro ang pagluluto ng uling. Bukod sa pagod, kailangan ding tiisin nina Alvin (8 anyos), Elias (7 anyos), Ibrahim (6 anyos), at Chabelita (14 anyos) ang sakit sa ilong dulot ng usok at alikabok.
“Nahihirapan po akong pumulot ng uling kasi nasusunog po ‘yung kamay ko,” kuwento ni Elias sa programang “Reel Time.” Inuubo rin daw ang mga bata ayon sa kanilang nanay. “Pinagtitiisan na lang po kasi wala kaming pambili ng pagkain.”
Pagkatapos lutuin ang uling, tinatahak naman ng mga batang Aberlen ang matatarik at masusukal na parte ng bundok. Buhat nila ang mga sakong kasing laki at kasing bigat na ng kanilang mga katawan.
Matapos ang isang araw ng pagluluto at pagbubuhat ng uling, sapat lamang ang kanilang kinikitang pera upang makabili ng dalawang kilong bigas.
Sa kabila ng maagang pagkamulat sa hirap ng buhay, hindi pa rin nito napipigilang mangarap ng mga batang Aberlen. Pangarap daw nina Elias, Ibrahim, at Alvin na maging isang pulis o sundalo. Si Chabelita naman, gustong maging isang guro.
Masipag mag-aral si Chabelita. Katunayan, nasa Top 2 siya ng kanilang klase. Ngunit dahil na rin sa sitwasyong kinalalagyan, tila hindi magiging madali para sa kanya na makamit ang kanyang pangarap. Ni minsan ay wala pa raw nakatutuntong ng high school sa mga Aberlen. “Wala naman po akong magagawa kung hindi ako pagbibigyan ng kahirapan,” aniya.
Kung si Ibrahim naman ang papipiliin, mas gugustuhin daw niyang magluto ng uling kaysa mag-aral. “Para po may pambili kami ng bigas.”—Isabelle Laureta/CM, GMA News
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga batang Aberlen, maaaring makipag-ugnayan sa Executive Producer ng Reel Time na si Shao Masula sa aming Facebook page.
Mapanonoood ang Reel Time tuwing Linggo, alas-9 ng gabi sa GMA News TV. Sundan ang aming Facebook at Twitter accounts para sa mga updates tungkol sa mga susunod o nakaraang na episodes.