Mga batang nag-aani ng abaca, tampok sa 'Motorcycle Diaries'
#MDBatangAbaca
Motorcycle Diaries
May 26, 2016
Ang Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng abaca sa buong mundo. Sa katunayan binansagan itong manila hemp noon bilang pagkilala ng mga dayuhan sa bansang pinanggalingan nito.
Pero sa kabila ng mayabong na industriya ng abaca, nananatiling hikahos ang ilan nating kababayan na siyang nagkakandakuba sa pagkuha nito. Maging ang ilang kabataan, tila napagkakaitan din ng kanilang kamusmusan para makatulong sa kanilang mga magulang.
Sa isang espesyal na dokumentaryo, sasadyain ni Jay ang payak na isla ng Catanduanes, kung saan matatagpuan ang pinakamataas na kalidad ng abaca sa buong Pilipinas, para kilalanin ang mga kabataang tila kalabaw sa pagtatrabaho sa pagkuha nito.
Siyam na taon pa lamang si Ambo pero ‘di niya alintana ang init ng araw sa maghapong pagtulong sa kanyang amang si Wilson at trese anyos niyang kapatid na si Arnel. Tumutulong siya sa pagbubuhat ng mga nahagot na abaca na tinatawag na bandala. Masuwerte na raw kung kumita sila ng dalawandaang piso sa maghapong pagtatrabaho. Bawat pisong naiipon ni Ambo, inilalaan niya sa papel, lapis at iba pang gamit sa eskwela. Sa murang isipan niya, determinado siyang makapagtapos para maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.
Tumutulong rin sa pangunguha ng abaca ang mga anak ni Tatay Fernando para meron silang maipambili ng pagkain. Sa tuwing umaakyat sila ng bundok para manguha ng abaca, karaniwang namimitas lang sila ng pako para malamnan ang kumakalam na sikmura. Halos buto’t balat na ang katawan nina Leandro at Alexander pero tumutulong pa rin sila sa kanilang ama, alang-alang sa kanilang otso anyos na bunsong kapatid na si Angeline na kalunos-lunos ngayon ang kondisyon. Hirap itong kumilos at magsalita dahil sa severe malnutrition.
Unti-unti mang nakikilala sa buong mundo ang mga produktong likha sa abaca, pero tila hindi nabibigyan ng sapat na atensyon ang mga taong nagsasakripisyo sa pagkuha nito. Kailan kaya nila lubos na matatamasa ang biyaya ng natatangi nilang likas-yaman? Tutok na ngayong Huwebes 10 PM sa GMA News TV channel 11 sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!