Filtered By: Newstv
NewsTV

Linamnam at Latik: Ang pagkain ng Samar


Pagdating sa pagkain, may pagkakaiba sa panlasa ang iba’t ibang islang matatagpuan sa mga rehiyon ng Pilipinas. Nang magpunta si Jay Taruc at ang Team Motorcycle Diaries sa Samar Island, naging saksi ang programa hindi lamang sa makulay na kultura ng ikaapat na pinakamalaking isla sa bansa, kundi pati na rin sa sarap ng pagkain doon. Mga yamang-dagat Patok ang bayan ng Guiuan sa mga turistang mahilig magpunta sa beach o dalampasigan, ngunit alam niyo bang dito rin matatapguan ang iba’t ibang uri ng yamang-dagat? Mga masag (blue crab), abalone, sea cucumber at clam — ilan ‘yan sa mga lamang-dagat na pinararami ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Guiuan Marine Fisheries Research & Development Center. Dinalaw rin ni Jay ang bayan ng Sta. Margarita, kung saan panghuhuli ng alimango ang pangunahing hanapbuhay. Hindi matatawaran ang halaga ng malinamnam na yamang-dagat na ito sa mga residente ng Sta. Margarita, kaya naman nagdaraos sila ng Alimango Festival tuwing buwan ng Hulyo. Bukod sa sayawan, makatitikim rin dito ng samu’t saring luto ng alimango. Nilaga, ginataan, kaldereta — alin mang luto ang paborito niyo, napakasarap ng sariwang alimango. (Paalala: Mag-kamay kayo, ka-biyahe!) Salukara Kung hugis lang ang pag-uusapan, maihahambing ang salukara sa isang pancake, isang sikat na almusal mula sa Amerika. Ngunit litaw ang pagiging Pinoy ng salukara dahil gawa ito sa giniling na bigas at asukal, at sa halip na baking powder, tuba ang ginagamit na sangkap dito. Nakilala ng Motorcycle Diaries sa Borongan, Eastern Samar si Mang Pedro Deveno, na sumikat sa bayan niya dahil sa kanyang masarap na salukara. Sa sarap ng luto niya, pwedeng-pwede sana itong pagkakitaan bilang negosyo. Ang problema nga lang, madalas mawalan ng kuryente sa lugar nila, kaya hindi makagawa si Mang Pedro ng salukara nang tuloy-tuloy. Gayunpaman, malimit siyang gumawa ng salukara para sa mga caterer at turista mula sa ibang bansa. Suman Ipinagmamalaki rin ng Borongan ang kanilang suman. Isa si Aling Aurora Anaque sa mga gumagawa nito, at ang kanyang hugis-tatsulok na ‘suman sa talipopo’ ang sinasabing paborito ng mga biyaherong namimili ng pasalubong. Nang ipatikim niya ito, namangha si Jay sa sarap: buong-buo ang butil ng kanin, masarap isabay sa kape, at lalu pang pinasasarap ng latik. Wika ni Jay, “Isa ito sa pinakamasarap na suman na natikman ko. Lalu na kung lalagyan mo ng latik, manamis-namis tapos malagkit—naku, napakasarap.” Panoorin ang kakanin food trip ni Jay sa Borongan, Eastern Samar:

Tags: webexclusive