Filtered By: Topstories
News

Traffic enforcer, naputulan ng paa nang madamay sa banggaan ng bus at AUV


Naputulan ng paa ang isang traffic enforcer nang madamay sa salpukan ng pampasaherong bus at ng AUV sa Quezon City.

Sa ulat ni Katrina Son sa Balitanghali nitong Linggo, kinilala ang biktima na si Emmanuel Abache, traffic enforcer ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng lungsod.

Ayon kay Dexter Cardenas, hepe ng Traffic Operations Division, galing ang bus sa Farmers Tuazon habang mula naman sa Sta. Mesa ang AUV nang nabangga ng bus ang pribadong sasakyan kaya ito pumihit at tinamaan si Abache.

"Nabangga ng bus 'yung Innova. 'Yung Innova tumama din kay traffic enforcer Abache na naputol 'yung kaniyang paa instantly. Naipit 'yung left side portion ng Innova sa paa ni traffic enforcer Abache," kuwento ni Cardenas.

Sa ngayon, under observation daw ang biktima sa Quezon City General Hospital kung saan sinusubukan ng mga doktor na isalba ang kaniyang paa.

Nakatakda rin siyang isailalim sa MRI.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na sumunod sa mga alagad ng batas at sundin din ang mga batas-trapiko upang maiwasan ang ganitong aksidente.

"Sana respetuhin po natin 'yung ating mga traffic enforcer, give courtesy to ating mga kapwa drivers. Always follow traffic rules and regulations," sabi ni Cardenas.

Handa naman daw tumulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ukol sa imbestigasyon ng insidente.

"Ang tanging magagawa natin dito siguro mama-maximize natin 'yung kuha sa MMDA metrobase. 'Yun lang ho 'yung kaya nating ibigay," sabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago.

Sumuko na ang driver ng bus samantalang hinahanap pa ang driver ng AUV. — Anna Felicia Bajo/BM, GMA News