Mahigit 100,000 trabaho sa Japan ang bubuksan para sa mga Pilipino. Ang mga trabaho, hindi lang para sa mga professional kung hindi maging para sa mga semi skilled at naging sa mga caregiver, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "Balitanghali nitong Sabado, sinabing napirmahan na ang Memorandum of Understanding o MOU sa pagitan ng Pilipinas at Japan para sa naturang mga trabaho na bubuksan sa Japan.
Ang MOU ay nakapaloob umano sa Technical Intern Training Program o TITP na hindi lang mula sa mga government institutions, kung hindi maging sa pribadong sektor.
Bukod pa ang TITP sa mga medical workers gaya ng nurses sa ilalim naman ng nauna ng JPEPA o Japan-Philippines Economic Partnership Agreement.
"Makakapagpapadala na po tayo ng mga OFW, mga professional, semi skilled at isasama na rin natin dito ang ating mga caregivers patungong Japan," sabi ni Bernard Olalia, Officer-in-Charge ng POEA.
Sa mga susunod na buwan, posible na umanong lumabas ang mga job orders at abangan sa website ng POEA.
Pero mahigpit na payo ng pamahalaan, mag-ingat sa mga mananamantalang illegal recruiters.
Idinagdag naman ng POEA na maganda ring balita na posibleng hindi na gagawing requirement muna para sa mga aplikanteng Pinoy na ipasa muna ang language proficiency exam sa Pilipinas para sa wikang Nihongo bago makapunta ng Japan at tanggapin ng mga employer.
Sinabi ng POEA at Department of Labor na magandang pagkakataon ito sa mga OFW na posibleng maapektuhan dahil sa nangyari sa Saudi Arabia at Lebanon.-- FRJ, GMA News