Nagsauli ng napulot na bag na may lamang kalahating milyong piso ang isang honest security guard na naka-assign sa isang mall sa Makati City.
Kuwento ng security guard na si Ronald Llaneta, tubong Atimonan, Quezon, nag-iikot siya sa naturang mall nang makita niya ang isang bag na naiwan sa isang pushcart.
Ronald Llaneta
Aniya, pasado alas-siyete ng gabi noong Huwebes habang naka-duty siya at nagawi sa supermarket section, nakakita siya ng isang bag na nakalagay sa isang pushcart at agad niya itong dinala sa kanilang security office.
Nang buksan, tumambad sa kanila ang limang bungkos ng pera sa loob ng bag.
Agad na ipinaalam ni Llaneta at ng mga kasamahan niya ang pagkakapulot ng bag sa management ng mall upang mahanap ang may-ari nito.
Makalipas ang isang oras, nahanap ang may-ari na panay ang pagpapasalamat kay Llaneta.
Inalok umano ng may-ari ng bag ng pabuya si Llaneta, pero tinanggihan ito ng guwardiya.
Katuwiran ng guwardiya, trabaho niya ang magbigay ng seguridad sa mga tao sa mall at maging ng mga gamit ng mga ito.
Hinangaan ng management ng mall at ng kaniyang security agency ang ginawa ni Llaneta.
[Mga larawan mula kay Royce Cabunag ]
—Peewee Bacuño/LBG, GMA News