Filtered By: Topstories
News

Pugot na ulo ng babae, nakitang lumulutang sa creek sa Makati City


Isang pugot na ulo ng babae ang nakitang lumulutang sa creek sa Makati City nitong Sabado ng hapon. Ang mga awtoridad, aalamin kung ulo ito ng babae na nakita ang bangkay sa gilid ng kalsada sa Bulacan noong Huwebes.

Sa ulat ni Mark Zambrano sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing ang construction worker na si Rodel Drece, ang nakakita sa ulo habang inaayos ang retaining wall ng creek sa hangganan ng barangay Pitogo at Pinagkaisahan dakong 1:00 p.m.

Inakala umano ni Drece na manikin lang ang kaniyang nakita pero napatakbo siya nang malamang ulo ito ng tao.

Ayon sa Makati Police, maaaring hindi pa nagtatagal nang itinapon sa creek ang ulo, na mula sa biktima na tinatayang nasa edad 20-25.

Mahaba umano ang buhok nito at nakitaan ng sugat sa kanang bahagi ng noo.

Aalamin ng pulisya kung ang ulo ay sa babaeng natagpuang pugot sa Sta. Maria, Bulacan noong Huwebes ng gabi, na ang edad ay tinatayang nasa 20 pataas.

READ: Bangkay ng babae na walang ulo, nakita sa kalye

Dinala ang ulo sa Veronica Memorial Homes sa Pasay City. -- FRJ, GMA News

Tags: crime