Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

Mga sintomas ng psoriasis na maaaring hindi napapansin ayon sa mga eksperto


Nitong ika-17 ng Abril ay inilunsad ng Rizal Medical Center ang kaunaunahang Psoriasis Center sa Pilipinas kung saan maaaring magpakunsulta ang mga may karamdamang ito sa balat sa iba't ibang espesyalista.

Dito rin matatagpuan ang iba't ibang uri ng mga gamot — may pinapahid, may iniimon bilang tableta, mayroong tinuturok, at mayroong phototherapy o 'yong pag-gamit ng ilaw upang maibsan ang mga sintomas ng sakit.

Ayon kay Dr. Rogelio Balagat, namumuno sa Dermatology and Rheumatology sa Department of Dermatology ng Rizal Medical Center, karaniwang lumalabas sa balat bilang mapulang pantal o butlig ang psoriasis.

Dahil sa pagkapal ng balat, minsan ito ay parang galis.

Ngunit hindi lang ito ang dapat bantayan. Dagdag ni Dr. Mae Ramirez-Quizon, isang espesyalista sa kuko at buhok, maaaring lumitaw ang mga sintomas sa anit, sa leeg, at sa mga daliri at kasukasuan — lalo na kung ito ay psoriatic arthritis.

Si Llynerd Bernardo ay isa sa mga pasyenteng may psoriasis na ginagamot sa Rizal Medical Center at aniya, kuko ang unang naapektohan sa kaniyang katawan.

"Napansin ko lang po na may parang nana...hindi ko po masyadong iniisip, pero hanggang [lumala] po. Unti-unting nadagdagan po," saad ni Llynerd.

Ayon sa mga doktor, maiiwasan ang paglala ng psoriasis kung maagang magpapakunsulta ang mga pasyente.

Maaring magtanong sa dermatologist o doktor kung:

  • May napapansing paninilaw o kahit anumang pagbabago ng kulay ng kuko sa kamay o paa.
  • Pagkatuklap o pagbabakubako ng mga kuko
  • Naghihiwalay o tila umaangat ang kuko mula sa balat
  • Paglitaw ng mga puti o dilaw na tuldok sa kuko
  • Pagbabalat o pangangaliskis sa anit
  • Pananakit ng kasukasuan

Ayon kay Ramirez-Quizon maaring binabaliwala ng karamihan ang sintomas sa anit bilang balakubak at ang mga pagbabago sa kuko bilang fungal infection.

Walang ganap na pagtatala kung ilang mga Pilipino ang may psoriasis dahil mayroong mga hindi nagpupunta sa ospital o kung nagpupunta man ay hindi nabibigyan ng tamang diagnosis.

"[Rashes are the common symptoms, but] there are those that are difficult to treat, which is why we're emphasizing the importance correct diagnosis when you want an effective treatment," ani  Ramirez-Quizon.

Naapektuhan ng psoriasis hindi lamang ang katawan ng pasyente kung hindi ang kaniyang trabaho, pakikitungo niya sa ibang tao, at ang pakikitungo ng ibang tao sa kaniya.

Mahalagang mabigyan ng karampatang gamot at suporta ang pasyenteng may psoriasis upang makapamuhay siya ng normal at produktibo.

— LA, GMA News

Tags: psoriasis, health
LOADING CONTENT