Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

Ang huling pag-ibig ni Gregorio del Pilar


Mayroong dalawang misteryosong burdadong kagamitan ang pinakasikat sa kasaysayan ng Pilipinas.

Noong 21 August 1983, nakilala ang lalaking binaril na kasama ni Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport dahil sa brief na may nakaburdang "Rolly." Makalipas ang ilang araw ipakikilala ang lalaki bilang si Rolando Galman. Magkakaroon pa ng plakard ang mga rallyista noon na may nakakabit na brief at may nakalagay na inskripsyon: "A brief encounter with history."

Noong 2 December 1899, matapos na mapatay sa Labanan sa Pasong Tirad si Gregorio del Pilar—si Goyo, ang batang heneral—natagpuan sa kanyang kasuotan ang isang gintong locket na may ilang buhok at isang sedang panyo na may nakaburdang pangalan: "Dolores Jose."

Gen. Gregorio del Pilar

Sa kabila ng pangalan sa panyo, nananatiling misteryo maging sa mga historyador ang katauhan ng huling pag-ibig ni Gregorio del Pilar. Ang kuwento ng huling pag-ibig ni del Pilar at ang katauhan ng babae ay hindi man lamang mababanggit sa mga istandard na talambuhay ni del Pilar tulad sa isinulat ng historyador na si Teodoro Kalaw na isinalin sa Ingles bilang An acceptable holocaust: Life and death of a boy-general. Sa internet wala halos mabasa na detalyadong kuwento ukol dito.

Ang interes sa huling pag-ibig ni Goyo ay lalong iigting dahil sa pag-aantay ng lahat ng sequel ng pelikulang Heneral Luna na ukol sa mga huling buwan ng buhay ni Gregorio del Pilar na ang working title ay Goyo: Ang Batang Heneral na isasapelikula ng director na si Jerrold Tarog at ng Artikulo Uno Productions.

Sa lektura ni Ambeth R. Ocampo ukol kay Gregorio del Pilar sa Ayala Museum noong 26 Nobyembre 2016, isiniwalat niya na may isang artikulo sa 4 Disyembre 1965 na isyu ng Philippines Free Press na isinulat ng historyador na si Carlos Quirino, naging Pambansang Alagad ng Sining sa Literaturang Pangkasaysayan, na may pinamagatang "Remembering del Pilar." Nagtataglay ito ng panayam sa isang matandang babaeng nagpakilalang siya ang huling pag-ibig ng batang heneral.

At kaiba sa ipinapalagay ng lahat na ang pangalan ng babae ay Dolores Jose, ang pangalan ng babaeng ito ay si Remedios Nable Jose.

Sa mga huling bahagi ng 1899, habang ang Republica Filipina sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo ay nakahimpil sa Tarlac, Tarlac, limang buwan na nadestino si del Pilar sa Dagupan upang bantayan ang mga dalampasigan ng Pangasinan mula sa mga pagsalakay ng mga Amerikano.

Doon nakilala ng 24 na taong gulang na Heneral Goyo ang 17 taong gulang na si Remedios. Ayon sa kanya, ang heneral ay isang "very romantic young man."

Minsan isang gabi, ayon kay Remedios: "He pointed to a particularly bright star and asked me to look at it always after he had left that town, because he would be doing the same and thinking of me. The star, he said, would be ours, and ours alone!"

Remedios Nable

Dahil raw bata pa siya noon pinaniwalaan niya ang heneral pero napagtanto niya rin na maaring ganito lang talaga magsalita ang mga lalaking manliligaw. Masasabing nagkaroon ng "crush" si Remedios sa Heneral sapagkat siya ay isang batang opiser, "dashing" sa kanyang suot na uniporme ng Pamahalaang Mapanghimagsik bagama't maaaring hindi talaga "passionately in love" sa kanya.

Minsan raw na tinangkang pagselosin ni Goyo si Remedios sa pagsasabing darating raw ang kanyang ex-girlfriend sa Dagupan. Sabi lang ng lola mo, "Fine, I would be glad to meet her." Sabi niya, "I was not jealous at all."

Gayundin, muntik na siyang maipakasal sa Heneral. Ayon sa kanya, nag-propose raw sa kanya ang heneral at dahil mapilit ito, napa-oo siya bagama’t hindi taos sa kanyang kalooban. Ngunit, isang araw ng Linggo na itinakda ang kasal, hindi umalis ng bahay si Remedios.

Biglang nanaog sa bahay ng mga Nable sa tabing ilog si Koronel Tomas Arguelles. Mainit raw ang ulo ng heneral at tinatadyakan lahat ng upuan sa simbahan at sinisigawan ang kanyang mga kawal. Pinakiusapan ni Arguelles si Remedios na tumungo sa simbahan.

Sagot ni Remedios, "Oh no! I don't want to marry anyone, and if Gregorio wants to see me, he can come here, but I won't go to him."

Dinaga raw si ate kaya hindi tumuloy dahil sa mga masasamang kuwento ng mga nagpapakasal, lalo pa at may reputasyon ang heneral na maraming mga naging kasintahan. Ayon nga kay Carlos Quirino, "The general, it would seem, was as daring and adventurous in the realm of romance as he was in the battlefield." Ilan sa mga naugnay kay Goyo ay ang mismong kapatid ni Heneral Aguinaldo na si Felicidad, at isang misteryosong babaeng nagngangalang "Poleng" na sinulatan ni Goyo noong siya ay 20 taong gulang pa lamang, nga lang ayaw sa kanya ng ina ng dalaga. May binabanggit si Remedios na isang babaeng taga Polo, Bulacan na nakatakda nang pakasalan ni Goyo bago tumungo ng Dagupan na kalaunan ay nag-asawa ng isang Espanyol. Marami pang iba.

Sa limang buwan na iyon, madalas pumanhik sa bahay ni Don Antonio Nable ang heneral. Si Don Antonio ay mayamang may-ari ng mga barkong ginagamit sa pangangalakal. At sa tuwing bumibisita ang heneral kay Remedios, sila ay nakaupo sa mahabang mesa at ang madrasta nito ay matamang nagbabantay sa kabilang dulo at paminsan-minsan ay tumitingin pa sa ilalim ng mesa, para masigurado raw na hindi sila nagfu-"footsie." Bago raw matulog, sinisiguradong walang mga binata sa veranda at titingnan ang mga silid kung tulog na ang magkakapatid na Jose.

Matapos na dumaong ang mga barkong Amerikano sa Lingayen noong Nobyembre 1899 upang ipatibong ang mga kawal ng himagsikan, inatasan ni Aguinaldo si del Pilar na tumungo sa paanan nang ngayon ay Mountain Province upang makibisig sa malakas na puwersa ng pinakabatang heneral, si Manuel Tinio, na may malakas ring puwersa sa Abra.

Walumpu't tatlong taon na si Remedios at nakatira na sa San Juan, Rizal (Metro Manila) nang alalahanin ang mga pangyayari noong 1965. Bakit nga ba Dolores Jose at hindi Remedios Jose ang nakaburda sa sedang panyo. Parang si Aida, o si Lorna o si Fe lang ang peg? Ngunit sino nga ba si Dolores Jose?

Si Dolores pala ay nakababatang kapatid ni Remedios. Sa huling gabi bago siya umalis ng Dagupan, humingi rin si Goyo ng alaala kay Dolores. Ayaw pa ngang ibigay ng dalaga sa heneral ang kanyang panyo dahil marumi raw ito at siya ay sinisipon. Kinuha na lamang daw ng heneral ang panyo at nilagay sa kanyang bulsa, "saying he valued it more in that condition."

Si Remedios naman ay pinakiusapan ni Goyo na tumalikod, nilagyan ng ribbon ang isang bahagi ng kanyang mahabang mahabang buhok at ginupit ito at sinabi raw ng heneral, "This I shall always keep next to my heart."

Nais sanang iwan ni Goyo ang isang gintong singsing na may malaking batong diyamante subalit tinanggihan ito ni Don Mariano. Hindi raw tatanggap ang pamilya ng kahit anong napakahalagang bagay kahit na kanino. Ang tinanggap nila ay isang regalong engagement ring na may mga mas maliliit na diyamante, "because it was not an expensive one."

Noong Disyembre 1899, nang mabalitaan ang kabayanihan ni Gregorio del Pilar sa Tirad Pass sa pagtatanggol ng Unang Republika laban sa mga Amerikano upang makatakas si Pangulong Emilio Aguinaldo upang maipagpatuloy ang digmaan ng mas matagal pa, tumangis si Remedios hindi dahil mahal niya ang heneral ngunit higit pa dahil sa paraan ng kanyang pag-aalay ng buhay para bayan.

Remedios Nable sa gulang na 83

Kasama rin sa mga kinuha ng mga Amerikano sa katawan ng namatay na heneral ay ang gintong singsing na may malaking diyamante at ang ilang sulat ni Remedios sa heneral.

Nang lumuwas ng Maynila si Remedios, ipinatawag siya mismo ni Lt. Heneral Arthur MacArthur, ang gobernador militar, upang ibalik ang mga sulat na ito at inanyayahan siya sa Palasyo ng Malacañan. Ngunit tumanggi si Don Mariano: "I am sorry but my daughter doesn't leave this house for that purpose." Kaya inihatid na lamang ng tauhan ni MacArthur ang mga nasabing sulat kalakip ang isang sulat mula sa gobernador militar na Amerikano.

Kung tutuusin, isang panayam lamang ito at maaaring pang may mahalungkat na mga dokumento ukol sa pag-iibigan nina Goyo at Remedios. Mayroon kayang tala dito si Arthur MacArthur sa kanyang mga papeles? Mayroon kayang testimonya si Dolores na maaaring magpatunay o magpasinungaling sa mga kuwento ng kanyang ate? Basta ang alam natin, may patunay sa katauhan ni Remedios Nable Jose sa isang jurisprudence ng Korte Suprema na binanggit ang kanyang pangalan (G.R. No. 7397 December 11, 1916 - AMPARO NABLE JOSE, ET AL. v. MARIANO NABLE JOSE, ET AL.). Wala pang ibang dokumento o alinmang mga pahayag na nagsasabing hindi totoo ang kanyang kuwento.

Ngunit nasaan ang mga sulat na isinauli kay Remedios? Ito ay ibinigay niya sa kanyang mapapangasawa na si Fernando Arce na itinago ito hanggang mawala o masunog noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kung may natututunan tayo sa mga kuwentong ito, tulad nang laging sinasabi ni Ambeth Ocampo, na ang mga bayani natin ay mga ordinaryong tao tulad rin natin; sila ay umibig, nasaktan, nagsaya. Kung gayon, kaya rin natin na may maiambag sa pagbubuo ng bansa maging sino man tayo. — BM/KG, GMA News

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”