NANG O NG? Subukan ang iyong tatas sa Filipino sa pagsusuring ito!
Class, ilabas ang one-fourth sheet of paper. May pa-quiz si ma'am!
Ngayong Buwan ng Wika, kumunsulta si Kris Tetay at ang GMA News and Public Affairs team sa Komisyon ng Wikang Filipino upang makapagbahagi ng kaalaman tungkol sa pambansang wika.
Hindi ka nag-iisa kung ikaw ay nalilito sa paggamit ng mahabang "nang" at ang maikling "ng." Bagkus na mahiya, sama-sama muna nating sagutin ang munting quiz ni Roy Rene Cagalingan, Tagapagsalita ng Komisyon sa Wikang Filipino at sabay-sabay tayong matuto!
Kaya mo bang higitan ang nakuhang puntos ni Tetay?
1. [Kapag] / [Kung] nakita ko na ang crush ko, kukuha ako ng larawan kasama siya.
2. [Kapag] / [Kung] magiging tayo, hindi ka na iiyak.
3. [Bukod] / [Liban] sa maganda mong mukha, hanga rin ako sa mabuti mong puso.
4. [Bukod] / [Liban] sa akin, sino pa ang crush mo?
5. [Nang] / [Ng] siya ay isilang, naging sobrang saya ng kanyang mga magulang.
6. Hiniram ko kanina ang kaldero [nang] / [ng] kapit-bahay.
7. Kumain siya [nang] / [ng] mabilis dahil male-late na siya sa opisina.
8. Takbo ka [nang] / [ng] takbo, pero kain ka rin [nang] / [ng]. Paano ka papayat?
Ang mga tamang sagot:
1. Kapag
2. Kung
3. Bukod
4. Liban
5. Nang
6. Ng
7. Nang
8. Nang / Nang
"Kung" ang gagamitin upang ipahiwatig ang kundisyon, katumbas ng "if" sa Ingles. "Kapag" naman ang katumbas ng "when" sa Ingles.
Samantala, ang pagkakaiba ng bukod at liban ay kung may pinipili o idadag pa.
Kapag ginagamit ang "bukod", ibig sabihin ay dinadagdag ang tinutukoy sa mga susunod pang ilalahad sa pangugusap. Ang liban naman, isinasantabi o hinihiwalay ang tinutukoy sa iba pang nilalahad sa pangungusap.
Ngayon, alamin natin ang tamang gamit ng "nang" at "ng."
Ang mahabang "nang" ay sumasagot sa tanong na paano at ang "ng" naman ay sumasagot sa tanong na ano o sino.
Halimbawa, kapag "kinain ka nang buhay", ang ibig sabihin nito, you were eaten alive. Paano ka kinain? Buhay.
Kapag naman "kinain ka ng buhay", ang ibig sabihin nito, you were consumed or eaten by life. Ano ang kumain sa iyo? Buhay.
Ginagamit din ang mahabang "nang" upang maglahad ng oras ("Nang makita ko siya...") at ito rin ang ginagamit kapag inuulit ang salita ("tahol nang tahol").
Ngayon, humayo tayo at ipagdiwang at iba pang wika sa Pilipinas! — AT, GMA News