Audition ng tatlong beteranong aktor para sa fastfood chain, nag-viral
Humigit na sa 2.5 million views ang video ng isang sikat na fastfood chain na bumulusok sa Internet noong Lunes.
Pinagtatampukan ni Ronaldo Valdez, Leo Martinez, at Pen Medina ang video ng KFC kung saan nag-audition ang tatlo para maging unang Pilipino na Colonel Sanders.
Sa kasalukuyan, umabot na ng 115,000 reactions, 15,000 comments, at halos 43,000 shares ang video na umani ng parangal para sa katatawanang dala ng tatlo sa pag-arte ng mga katangian nilang kinagisnan na ng mga manonood mula sa kanilang mga palabas.
May hatian sa comments section kung sino ang nararapat na kumatawan sa fastfood chain, at ilan pa sa nag-comment ay gumawa ng mga hashtags tulad ng #TeamPenMedina, #RonaldoValdezforColonel, at mga screenshot ng mukha ni Leo Martinez.
Malalaman kung sino ang mapipiling unang Pilipino na Colonel Sanders sa May 29. — Rie Takumi/BM, GMA News